Home NATIONWIDE Absentee voting, palalawakin pa; electronic, postal mode, idadagdag ng Senado

Absentee voting, palalawakin pa; electronic, postal mode, idadagdag ng Senado

MANILA, Philippines – Nakatakdang palawakin ng Senado ang Absentee Voting Law upang maidagdag ang electronic at postal mode ng pagboto sa lahat ng lehitimong Filipino na naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa.

Inihayag ito ni Senador Alan Peter Cayetano habang tinatalakay ang panukala sa ilalim ng Senate Committee Report No. 369 upang palakasin ang demokratikong karapatan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang Pilipino sa ibang bansa.

Aniya, palalawakin ang pamamaraan sa pagboto partikular sa pamamagitan ng electronic at postal voting.

Tinalakay ng Senado ang Senate Committee Report No. 369, na inihain ng Senate Committees on Electoral Reforms; and Finance nitong Nobyembre 27, 2024.

Layunin ng panukalang na amendahan ang Overseas Absentee Voting Act upang tugunan ang mga hamon na nararanasan ng botanteng Pilipino sa ibang bansa at maiwasan ang pagka-disenfranchise.

“Our OFWs and overseas Filipinos sacrifice so much to contribute to our national economy. We owe it to them to ensure they have a voice in choosing leaders who will recognize and enhance their role in our economy, wherever they may be in the world,” ani Cayetano.

Sinabi rin niya na malaki ang ambag ng mga OFW noong 2023 na may kabuuang $33.5 bilyon na remittances — katumbas ng 8.5% ng GDP ng bansa.

Binigyang diin ni Cayetano na ang panukala ay naaayon sa Article II, Section 5 ng Konstitusyon ng Pilipinas na nag-aatas ng ligtas na sistema para sa absentee voting para sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Ang panukala ay naglalayong magkaroon ng electronic voting gamit ang mga ligtas na online platform pati na ang postal voting para sa mga may limitadong akses sa internet. Layon din nitong magkaroon ng sistema para sa mga seafarers kung saan maaari silang bumoto online kahit hindi na bumaba ng barko.

Upang matiyak ang seguridad at madaling paggamit ng bagong pamamaraan ng pagboto, ang Commission on Elections (COMELEC) ay inaatasang magtakda ng mga alituntunin para mapangalagaan ang datos ng mga botante at siguraduhing madaling magamit ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Sinabi ni Cayetano ng ang panukala, na may malawak na suporta sa Senado, ay magbibigay sa milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa ng mas malawak na pagkakataon na makilahok sa demokratikong proseso ng Pilipinas, lalo na sa nalalapit na halalan sa 2025.

“Our OFWs are critical to our economy and society. It’s time we ensure they have a voice in shaping our nation’s future,” aniya. Ernie Reyes