Home NATIONWIDE Access sa medisina, inuming tubig sa Caraga, tiniyak ni PBBM

Access sa medisina, inuming tubig sa Caraga, tiniyak ni PBBM

MANILA, Philippines- Itutuloy ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng tuloy-tuloy na low pressure area sa Caraga region, partikular na ang magkaroon ng access sa medisina at potable water.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang situation briefing sa Prosperidad, Agusan del Sur, kung saan ipinaalam sa kanya ang sitwasyon sa Caraga Region.

Sa nasabing briefing, sinabi ng Punong Ehekutibo sa mga lokal na opisyal na makipag-ugnayan sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga apektadong lugar.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa Jr. na naipalabas na nila ang kanilang quick release funds para sa regional office sa Caraga.

“The regional office has already provided some of the medicines, some of them are for the wash, water and sanitation and hygiene. We provided already a bladde (tank) for water. And we also provided aqua tabs because we detected coliforms in the water source, so we are trying to avoid any outbreak in waterborne diseases,” ayon sa Kalihim.

Sa nabanggit na pulong, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na magbigay ng “more extended solution” para tugunan ang limitadong pinagkukuhanan ng potable water sa mga lugar na nananatiling nakalubog sa tubig-baha.

Binanggit ng Pangulo ang national government, sa pamagitan ng pagsisikap ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay nagawang makapagpahiram ng water purification machines sa mga apektadong rehiyon.

“We’ll continue to provide what we can but we have to have longer term, a more extended solution and what we usually do sa ibang lugar, nagpapadala kami ng purification system na galing pa sa MMDA ‘yung iba,” ayon kay Pangulong Marcos.

“But that’s seems to be a practical stop gap measure in terms of providing water supply because as we all know that’s going to be critical,” aniya pa rin sabay sabing praktikal ding magpahiram ng ilang makina para sa Caraga.

Samantala, winika naman ni DILG Secretary Benhur Abalos na nananatiling may 15 units ng water purification machines ang maaaring ipahiram sa Caraga lalo pa’t may ilang units nito ang kasalukuyang dineploy sa Davao region.

“Most of them are in Davao right now. Pero tumawag po ako kaninang umaga, mayroon pa naman pong naiwan sa Metro Manila. Pwede pong mapapadala maski mga labing-limang makina. One machine can provide 185 gallons per hour. So, bukas po padala po natin kaagad,” ayon kay Abalos. Kris Jose

Previous articleHeartbreak, wellness leaves para sa single employees ipinanukala sa Kamara
Next articleAlamin: Saradong kalsada sa Metro Manila ngayong Sabado, Pebrero 17