ISTANBUL – Pormal nang nanungkulan si Sushila Karki bilang punong ministro ng Nepal nitong Linggo, dalawang araw matapos siyang manumpa sa harap ni Pangulong Ramchandra Paudel. Si Karki, dating punong mahistrado at kauna-unahang babaeng pinuno ng bansa, ay hinirang upang pamunuan ang pansamantalang gobyerno matapos mapatalsik si KP Sharma Oli.
Sinimulan niya ang tungkulin sa gusali ng Home Ministry sa Singha Durbar, matapos masunog ang dating opisina ng punong ministro sa gitna ng mga protesta. Isa sa kanyang unang hakbang ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng nagdaang kaguluhan.
Ayon kay Chief Secretary Eknarayan Aryal, kikilalanin bilang mga martir ang mga nasawi sa tinaguriang “Gen Z” movement, at bibigyan ng kompensasyon ang kanilang pamilya. Inutusan din ang mga ospital na magbigay ng libreng gamutan sa mga sugatan.
Nasa 51 katao ang nasawi at marami pang iba ang sugatan sa mga kilos-protestang nagsimula sa pagbabawal ng social media, na lumawak bilang pambansang pag-aaklas laban sa umano’y korapsyon at nepotismo. RNT