CEBU CITY-HINDI umubra ang pagiging basagulero ng isang kelot na umano’y adik sa iligal na droga makaraan tagain ng kanyang sariling ama matapos nitong sugurin ang huli sa bahay, nitong Sabado ng madaling-araw, Marso 15 sa lungsod na ito.
Nilapatan ng lunas sa ospital ang biktima na kinilalang si Horace Celajes Montillana, 36, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek at ama nitong si Norberto, 73, kapwa nakatira sa Sitio Ipil-ipil, Barangay Babag 2, ng naturang lungsod.
Batay sa report ng Malubog-Police Community Precinct, bandang 1:30 AM naganap ang insidente sa loob ng bahay ng matandang Montillana sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, lasing na sumugod ang suspek sa loob ng silid ng kanyang ama at nagwawala saka pinagbantaan nitong papatayin.
Bago ang insidente, pinagsabihan ng matandang Montillana ang anak na tigilan na nito ang kanyang bisyo sa alak lalo na ang iligal na droga .
Sa halip na makinig ang biktima sa kanyang ama (suspek) lalo pa itong nagngangalit sa galit at sa tuwing nalalasing ay sinugod ang ama saka pinagbantaan patayin.
Hanggang sa napuno na ang suspek sa anak sa huling sa pagsugod sa kanya kaya kumuha na ito ng itak at tinagpas ang biktima na tinamaan sa ulo.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas habang sumuko naman sa pulisya ang suspek at hinihintay ang desisyon ng anak kung magsasampa ito ng kaso laban sa ama. Mary Anne Sapico