COTABATO- PATAY ang isang estudyante matapos tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek kahapon ng tanghali sa bayan ng Pikit.
Kinilala ang biktimang si Norman Mangalakat Kanapia, estudyante ng Silik National High School, Pikit at residente ng Barangay Langayen sa nabanggit na bayan.
Batay sa report ng Pikit Municipal Police Station, naganap ang krimen noong Sabado ng tanghali Marso 15, 2025, sa nasabing lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang Honda Click 125 motorcycle ng bigla na lamang siyang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa parteng liblib na bahagi ng naturang lugar.
Pinagbabaril ng mga suspek ang biktima at tinamaan ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico