MANILA, Philippines – Naniniwala si House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang pinakabagong survey ng OCTA Research ay isang malinaw na senyales ng paghina ng suporta kay Vice President Sara Duterte sa buong bansa.
Sa Q1 2026 Tugon ng Masa survey, lumitaw na ang hypothetical tandem nina Leni Robredo at Raffy Tulfo ang nangunguna (44%) laban sa tambalang Sara Duterte at Imee Marcos (40%) para sa 2028 elections.
Ayon sa OCTA, ito ang unang pagkakataon na nalampasan ng Robredo-led tandem ang Duterte-Marcos alignment.
Iniugnay ni Adiong ang pagbagsak na ito sa mga kasong impeachment na kinakaharap ni Duterte, kabilang ang maling paggamit ng pondo, unexplained wealth, bribery, at banta sa buhay ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
“Hindi ito prediction, pero malinaw itong senyales. Kung dati malayo ang lamang ng Duterte–Marcos alignment, tapos ngayon nauunahan na sila, may nangyari,” dagdag ng mambabatas.
Sa regional breakdown, bagama’t dominante pa rin si Duterte sa Mindanao (86%), malakas naman ang tambalang Robredo-Tulfo sa NCR (61%), Balance Luzon (57%), at Visayas (48%).
Ayon kay Adiong, na mula rin sa Mindanao, hindi sapat na sa isang rehiyon lang malakas ang suporta kung ang usapin ay accountability sa buong bansa. Gail Mendoza