NANAWAGAN ang kampo ng isang pulis na isinasangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na atasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ilabas ang affidavit ng 12 testigo laban kay Julie Dondon Patingonan.
Ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, dapat isama ang affidavit ng mga ito para makumpleto at luminaw ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Si Atty. Vitriolo ay legal counsel ni Police Master Sgt. Joey Encarnacion na sinasabing may-ari ng palaisdaan na umano’y pinagtapunan ng mga labi ng mga sabungeros.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, iginiit ni Atty. Vitriolo na mahirap kung kalahati lang at iisang side lamang ng istorya ang nalalaman ng korte sa kaso dahil hindi aniya makakamit ng mga pamilya ng missing sabungeros ang tunay na hustisya.
Paliwanag ni Vitriolo, nagkaroon narin ng imbestigasyon ang CIDG sa kaso ngunit hindi lahat ng lumabas sa imbestigasyon ay isinama sa case folder na isinumite sa DOJ.
Naniniwala ang abogado na makakatulong ang buong imbestigasyon na ito na maabswelto ang kanyang kliyente.
Malaki din aniya ang posibilidad na maabswelto rin ang iba pang mga akusado dahil makikita sa kabuuan ng affidavit na tanging ang mga Patidongan brothers lamang ang kumikilos na mistulang isang sindikato. Santi Celario