Home NATIONWIDE AFP handang sumipot sa imbestigasyon ng Senado sa ‘wiretapping’ ng Tsina

AFP handang sumipot sa imbestigasyon ng Senado sa ‘wiretapping’ ng Tsina

MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippine nitong Biyernes na handa itong dumalo sa posibleng imbestigasyon ng Senado sa umano’y wiretapping ng Chinese Embassy sa Manila sa Western Command ng militar.

“The AFP will attend the hearing if called upon,” pahayag ni Col. Xerxes Trinidad, pinuno ng AFP Public Affairs Office.

Naghain si Sen. Francis Tolentino ng resolusyon upang talupan ang umano’y wiretapping ng Chinese Embassy kay AFP Wescom chief Vice Admiral Alberto Carlos.

Ani Tolentino, bubusisiin sa imbestigasyon ang anti-wiretapping law at protocols na sumasaklaw sa government officials na nakikipag-ugnayan sa foreign governments.

Sa nalantad na transcript ng umano’y phone conversation, sumang-ayon umano si Carlos sa “new model” sa pangangasiwa ng sitwasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Itinanggi naman ng National Security Council, Department of National Defense at AFP ang alegasyon ng China. RNT/SA