Home NATIONWIDE Agarang pagpasa ng Kongreso sa Bagong Balikbayan Act sa pagtiyak ng tulong...

Agarang pagpasa ng Kongreso sa Bagong Balikbayan Act sa pagtiyak ng tulong sa napauwing OFWs ipinanawagan

144
0

MANILA, Philippines – Nananawagan si House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Bryan Revilla na maipasa na sa Kamara ang Bagong Balikbayan Act na naglalayong tiyakin na hindi nagtatapos sa repatriation ang tulong sa mga Overseas Filipino Workers kundi maibigay sa kanila ang suporta hanggang sa makahanap ng trabaho.

Sa isinagawang Legislative Energy Action and Development (LEAD) Joint Committee briefings, iginiit ni Revilla na hindi na lamang usapin ng seguridad ang nasabing krisis, kundi may direktang epekto na rin ito sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Binigyang-diin din niya na ang mga OFWs na tinaguriang “modern-day heroes,” ang unang naaapektuhan ng sitwasyon—mula sa panganib sa kanilang kaligtasan hanggang sa posibleng pagkawala ng trabaho.

Ayon sa datos, mahigit 5,000 OFWs at kanilang mga dependents ang napauwi na sa bansa.

Bagamat pinuri ni Revilla ang mga unang hakbang ng pamahalaan sa repatriation, itinampok niya ang problema sa tinatawag na “reintegration gap.”

Aniya, kasalukuyang nahaharap ang bansa sa kakulangan ng trabaho at skilled workers, kaya nahihirapan ang mga nagbabalik na OFWs na makahanap ng trabaho na may sapat na seguridad at sahod na katulad ng kanilang tinatamasa sa ibang bansa.

“Madaling sabihin na iuuwi natin sila, pero dapat pag-usapan kung ano ang mangyayari sa kanila pagdating dito,” ani Revilla.

Samantala, upang maibsan ang agarang epekto ng krisis, muling iginiit ni Revilla ang panawagan sa Kongreso na pansamantalang suspindihin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa diesel at gasolina.

Hinikayat din niya ang mga ride-hailing platforms na tuparin ang pangakong pagbawas sa komisyon at tiniyak na dapat walang pagkaantala sa pamamahagi ng fuel subsidies.

Binigyang-diin ni Revilla na hindi sapat ang mga presentasyon at pangako lamang.

“Naninindigan tayo na hindi sapat ang mga makulay na presentasyon at matatamis na pangako; kailangan ang konkretong aksyon at koordinasyon upang matiyak ang seguridad sa enerhiya at proteksyon ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya.

Bilang pinuno ng Committee on Overseas Workers Affairs, isinusulong din ni Revilla ang dagdag na pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matulungan ang tinatayang 2.5 milyong OFWs na apektado ng krisis sa Middle East.

Layunin ng pondong ito na magbigay ng komprehensibong tulong, kabilang ang medikal, pinansyal, at reintegration programs upang gawing oportunidad ang pagbabalik ng OFWs para sa paglago ng bansa.

Sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong Mayo, sinabi ni Revilla na uunahin nila ang pagsasama-sama ng mga hakbang na ito sa isang komprehensibong legislative package. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here