Home NATIONWIDE Agarang tulong sa mga Pinoy na apektado ng trahedya sa Vancouver, pinatitiyak...

Agarang tulong sa mga Pinoy na apektado ng trahedya sa Vancouver, pinatitiyak ni PBBM

MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matiyak ang lahat ng tulong na ipagkakaloob sa mga filipinong apektado ng festival attack sa Vancouver, Canada.

”Opo. Dahil ito po ay kapwa Filipino, minadali po kaagad na matulungan, ibigay po ang lahat ng maaaring maitulong, lahat ng koneksiyon sa mga Filipino na nadamay po dito sa trahedya po sa Vancouver,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Umabot na kasi sa 11 katao ang namatay, habang marami rin ang nasugatan matapos araruhin ng isang sasakyan ang isang street party na nagdiriwang ng Lapu-Lapu Day.

Sinabi naman ng Department of Migrant Workers na nakahanda ito na magbigay ng tulong at suporta sa mga biktima sa insidente alinsunod sa mandato nito na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers.

Sa kabilang dako, nagpahayag ng simpatiya si Pangulong Marcos sa pamilya ng mga biktima, sabay sabing ang Philippine Consulate General sa Vancouver ay nakikipagtulungan sa Canadian authorities upang matiyak ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Philippine Consulate General ukol sa insidente, sabay sabing ipinagdarasal nito ang komunidad na manatiling matatag at resilient. Kris Jose