Home TOP STORIES Agimat Party-list at tanggapan ni Sen. Revilla tutulong sa volunteer orgs

Agimat Party-list at tanggapan ni Sen. Revilla tutulong sa volunteer orgs

Nagpahayag ang Agimat Party-List Representative Brian Revilla at ang tanggapan ng kanyang amang Senador Ramon Bong Revilla Jr. ng interes at kahandaang tulungan ang mga volunteers organization na isinasakripisyo ang sarili at panahon para sa pagtulong sa mga kababayan at para sa peace and order situation ng bansa.

Sa kanyang pagdalo sa ika- labing-isang Founding Anniversary ng Public Assistance for Rescue, Disaster and Support Services Foundation International Incorporation (PARDSS FII) bilang kinatawan ng kanyang amang si Bong Revilla na hindi nakadalo dahil sa kapansanan sa paa, sinabi ng batang Revilla na saludo silang mag-ama sa dedikasyon ng PARDSS FII sa pagtulong sa bayan at kabayanihan ng walang anumang kabayaran .

Dahil dito, bilang pagkilala sa sakripisyo ng grupo handa aniya ang tanggapan ni Congressman Brian Revilla at ang tanggapan ng kanyang ama na tulungan ang mga miyembro nito na nangangailangan ng medical assistance at iba pa.

Hinikayat din ni Congressman Revilla ang mga ito na huwag mahiyang magbigay ng suhestiyon para sa isa o higit pang panukalang batas na magiging paborable sa mga volunteers organization.

“Magsusulong tayo ng panukalang batas para sa insentibo sa mga volunteers organization na nagsasakripisyo para sa bayan at kapwa Pinoy”, sabi ni Cong. Brian Revilla

Kaugnay naman sa pagpasok ng La Niña o tag-ulan na nararanasan na rin sa kasalukuyan, kasangga aniya ang kanyang Amang Senador sa panawagan sa Department of Public Works and Highways ( DPWH) na tiyaking maayos ang mga imprastraktura ngayong tag-ulan upang maiwasan ang mga pagbaha, at landslide sa kanayunan.

“Ngàyon pa lang habang di pa masyadong nag-uulan, kumilos na tayo. Gawin na natin lahat ng magagawa natin para masigurong handa tayo kung sakaling dumating man ang sakuna. Take advantage of the current season, hindi yung nandyan na ang bagyo at saka pa lang magkukumahog kumilos”, nauna nang sinabi ni Senate Public Works Committee Chairman Sen. Bong Revilla. RNT