MANILA, Philippines- Umatras na sa 2025 senatorial race si Agri Partylist representative at senatorial candidate Wilbert Lee.
Ang pag-atras ay inanunsyo ni Lee sa isang press conference, kung saan aniya, isa sa naging pangunahing dahilan ng kanyang pag-atras ay kakulangan ng “machinery.”
“Sa pag-iikot ko po sa ating bansa, napagtanto ko na hindi sapat ang makinarya na mayroon po tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang mapakilala at maipaalam ang aking mga ipinaglalabang adbokasiya. Naging malinaw sa akin na kailangan pa ng mas mahabang panahon para mapatibay ang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa natin Pilipino at maging sapat ang kahandaan at makinarya para sa matagumpay na kampanya,” pahayag ni Lee.
Aniya, kasabay ng kanyang pag-atras sa senatorial race ay pagtutok naman sa Agri Partylist na tatakbo ngayong eleksyon.
“Tuloy naman po sa pagtakbo ang AGRI Party-list, na lalo pang nagsusumikap sa pagtupad ng mandato bilang kinatawan ng sektor ng agrikultura at ng mas nangangailangang sektor sa lipunan. Ngayon hanggang sa matapos ang aking termino, higit ko pang tututukan ang mga itinataguyod ng AGRI Party-list kabilang na ang dagdag na suporta sa agrikultura, proteksyon sa ating mga magsasaka, mangingisda at local food producers na itinuturing nating ‘food security soldiers,’ para makamit ang murang pagkain para sa lahat,” giit pa nito.
Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Lee sa mga sumusuporta sa kanya pangunahin na ang kanyang pamilya, campaign team, supporters at mga volunteers.
Nilinaw naman ni Lee na hindi health reasons ang dahilan ng kanyang pag-atras. Gail Mendoza