MANILA, Philippines- Nabigong lumutang ang umano’y operator ng illegal recruitment agency sa San Fernando, Pampanga sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation at Department of MIgrant Workers (DMW).
Ayon sa mga awtoridad, nagpapanggap bilang isang travel agency ang isang maliit na opisina na umano’y nag-recruit ng mga manggagawang Pilipino para sa mga posisyon sa southern Europe kapalit ng mabigat na placement fee na aabot sa P500,000.
Agad namang naglagay ng closure sign ang mga operatiba sa pinto ng opisina at pinadlock ito.
Naagaw ang atensyon ng DMW ng nasabing ahensya matapos mag-report ang ilang mga biktima na na-offload o naharang sa kanilang flights sa NAIA dahil sa kawalan ng Overseas Employment Certificate (OEC).
“According to the complainants, they were being offered overseas work in Bulgaria with a salary ranging from P90,000 to P100,000 per month, and they were to pay up to P400,000 to P500,000 as a placement fee for factory worker positions,” sabi ni DMW Undersecretary Bernard P. Olalia.
Nadiskubre ring walang DMW license ang ahensya upang pahintulutan silang mag-recruit at mag-deploy ng manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Sinabi ng DMW na sinusubaybayan nila ang ahensyang ito na kamakailan ay lumipat sa lugar.
Ang operasyong ito ay minarkahan ang ika-siyam na opisina ng illegal recruitment na nauugnay sa human trafficking na ipinasara ng DMW ngayong taon.
Nagpaalala naman ang DMW sa publiko na mag-apply lamang sa mga lehitimong recruitment agencies na nakalista sa DMW website.
Para sa government-to-government applications, ang mga potensyal na mangaggawa ay dapat mag-apply nang direkta sa pamamagitan ng DMW nang hindi nagbabayad ng anumang placement fee. Jocelyn Tabangcura-Domenden