MANILA, Philippines – Dinagdagan ng Philippine military ang air at naval patrols sa Escoda Shoal, kasabay ng pagdami ng bilang ng mga barko ng China sa lugar.
Sa panayam nitong Lunes, Setyembre 2, sinabi ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), Rear Adm. Roy Vincent Trinidad na ito ay upang sumuporta sa law enforcement operations ng Philippine Coast Guard ship BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), na siyang standing guard sa Escoda Shoal mula pa noong Abril.
“Nag-iisa siya (BRP Teresa Magbanua), binabantayan natin sapagkat may mga reports dyan dati na may mga piled up crushed corals. Tinitiyak natin na ito ay hindi man-made kaya nandun tayo. So far naman yung ating Coast Guard ay manatiling nandun. Ang Navy naman at yung Air Force ay nagincrease ng ating patrolya dun, by sea and by air,” ani Trinidad.
Samantala, sinabi niya na wala naming pangangailangan para magdeploy ng mas marami pang assets sa Escoda Shoal.
“This could be done by one ship, this could be done by an aircraft, this could be done yung mga nagrereport sa atin na mga fishermen natin, so hindi naman ito padamihan ng barko dun sa Sabina or Escoda,” ayon pa sa opisyal.
Hanggang nitong Linggo, sinabi ni Trinidad na mayroong tatlong barko ng China Coast Guard (CCG), dalawang barko ng People’s Liberation Army-Navy, isang Chinese hospital vessel, isang research ship at 47 maritime militia vessels sa Escoda Shoal na nagbabantay sa BRP Teresa Magbanua.
Noon lamang Sabado ay nasira ang isang barko ng PCG matapos na paulit-ulit banggain ng mga barko ng CCG.
Agad na nakabalik ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal isang araw matapos ang insidente. Wala namang nasaktan sa mga crew nito. RNT/JGC