Home NATIONWIDE Ako Bicol solon pumalag sa pahayag ni Magalong

Ako Bicol solon pumalag sa pahayag ni Magalong

310
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maging patas naman ito sa kanyang mga pahayag, matapos na batikusin ni Magalong at tawaging “shameless” ang pahayag ni Garbin na ang desisyon ni Rep. Zaldy Co na magbitiw sa pwesto ay isang “act of sacrifice.”

Iginiit ni Garbin na ang alegasyong nag-uugnay kay Co sa mga anomalya sa flood control projects ay dapat na patunayan sa korte.

“Nirerespeto ko ang pananaw ni Mayor Magalong, ngunit dapat ding maging patas tayo. Ang tinukoy kong ‘sakripisyo’ ay ang pagbibitiw ni dating Rep. Zaldy Co sa kanyang puwesto sa Kongreso—isang mandato mula sa taumbayan—hindi po ang anumang paratang na hanggang ngayon ay hindi pa pinatutunayan sa korte,” saad sa pahayag ni Garbin.

“Kung sasabihin po agad na ‘magnanakaw’ na siya at tatawaging ‘hypocrisy’ nang walang hatol, mas nakakasakit po iyon sa ating demokrasya at sa mismong prinsipyo ng due process,” dagdag pa niya.

Nagbitiw sa pwesto si Co mula sa Kamara bilang representative ng Ako Bicol noong Lunes, ang araw na itinakda ng House Speaker para bumalik na ito sa bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sa pagbibitiw ni Co, sinabi ng House Committee on Ethics na wala na itong hurisdiksyon sa kanya. Nakadepende na sa ibang ahensya ng pamahalaan para umaksyon ang mga alegasyon laban kay Co.

Dito na iginiit ni Garbin na ang resignation ni Co ay nagpapakita ng “delicadeza.”

“Ginawa niya ito upang matiyak na walang magiging impluwensya o pagkiling sa anumang imbestigasyong isasagawa hinggil sa mga akusasyon laban sa kanya. Hindi siya kumapit sa puwesto tulad ng nakasanayan na ng ibang politiko na kahit may paratang ay ayaw bumitaw. Sa kanya, mas mahalaga ang integridad ng proseso kaysa kapangyarihan,” aniya.

Ani Garbin, kung handa umanong manghusga si Magalong bago pa mapatunayan sa korte ang alegasyon, dapat ay handa rin aniya itong sumagot sa mga isyu kaugnay sa Discaya-linked project sa kanyang lungsod.

Matatandaang nagbitiw sa pwesto si Magalong sa Independent Commission for Infrastructure, at sinabing ang P118 milyong tennis court na itinayo ng kompanya ng mga Discaya sa Baguio City ay dumaan sa transparent bidding noong 2022. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here