MANILA, Philippines- Ilang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang handang sabihin ang kanilang nalalaman kaugnay ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan libo-libo ang namatay, ayon kay House Committee on Dangerous Drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Sinabi ito ni Barbers kasabay ng pagkumpirma na maraming nagpapadala ng feelers sa komite na humahawak ng imbestigasyon sa EJK, illegal drugs at POGO.
Matatandaan na nilikha ng Kamara ang “Quad Comm” o binubuo ng apat na komite ng Kamara para siyasatin ang mga isyung kinasasangkutan ng Duterte administration.
Kabilang sa Quad Comm ang Dangerous drugs committee ni Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers; Human rights committee na pinamumunuan ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante; Public accounts committee ni Abang Lingkod Representative Caraps Paduano at Public order and safety committee na pinamumunuan ni Santa Rosa, Laguna Representative Dan Fernandez.
“Marami na po ang nagpapadala ng feelers dito sa Quad Comm na maaaring makatulong sa ating investigation,” wika ni Barbers.
“Lahat po nang gustong magsabi ng katotohanan dito sa ating committee hearings na gagawin ng Quad Comm, welcome na welcome po ‘yan at ‘yan po ay tatanggapin natin,” dagdag pa nito.
Ayon kay Barbers, kanilang pakikinggan ang mga nais na tumestigo upang matukoy kung gaano kahalaga ang impormasyon na kanilang handang isiwalat sa public hearing o executive session ng quad comm.
“Nasa kanila po yan. Kung gusto nila mag-testify o magbigay ng information in an open hearing…o hindi kaya kung executive session, kung naniniwala sila na ‘yung kanilang impormasyon na isi-share sa amin, merong national security implication,” anang mambabatas.
Pero sinabi ni Barbers na hindi papayag ang Kamara na mayroong hinging kapalit ang mga tetestigo sa kanilang gagawing pagsasalita.
“Ngunit, wala po sanang kapalit na hinihingi. Dahil hindi po natin ito tolerate ‘yung mga kapalit. Ito po ay gawin natin para sa bayan. Hindi po ito para sa kung kanino man. Ito po ay para po sa ating mga kapwa Pilipino. Basta ang ating layunin dito, ang ating pakay ay ilabas ang katotohanan sa mga usapin ng bayan na dapat malaman ang ating sambayan ng Pilipino,” giit pa nito.
Tumanggi naman si Barbers na pangalanan ang mga retirado at aktibong pulis na nagpahayag ng kahandaan na tumestigo sa quad comm.
Hindi rin sinabi ni Barbers kung kasama sa mga nais na magsalita si Major Gen. Romeo Caramat Jr., na batay sa mga ulat ay nagsabi na handang tumestigo kaugnay ng EJK at laban sa Duterte war on drugs kapalit ng pagtatalaga sa kanya bilang hepe ng PNP.
“As to who they are, kung sino-sino itong mga ito, siguro for the meantime, medyo i- anonymous muna natin to protect also their safety. Kasi nga, baka biglang matakot at hindi na po tumuloy. So, we’re very, very careful about this because we want to help them too,” pahayag pa nito.
Sinabi ni Barbers na sa Lunes ay magkakaroon ng organizational meeting ang quad comm upang plantsahin ang mga regulasyon sa pagsisimula ng pagdinig nito sa Agosto 15 na gaganapin sa Porac, Pampanga, kung saan matatagpuan ang isang POGO hub na ilegal na nag-operate at malapit sa Mexico, Pampanga kung saan naman nakumpiska ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong nakaraang taon.
“And all those people we invited sa POGO hearing, the likes of the mayor of Porac, the mayor of Bamban, yung acting mayor ngayon, the CIDG personnel, the PAGCOR officials, and some PNP generals, including General Caramat, and we will also invite maybe General (Eleazar) Mata ng Philippine National Police Drug Enforcement Group,” dagdag pa ng solon.
Nang tanungin kung bakit sa Pampanga gaganapin ang pagdinig, sagot ni Barbers, “Kasi ang ano natin, mayroon pa tayong witnesses na nandyan dyan malapit sa lugar na yan na pwedeng humarap at pwedeng magbigay ng information. Kaya dadalhin natin ang committee dyan sa lugar na yan ngayong August 15.”
“Kasi dun nga sa usapin ng POGO, human trafficking, torture, human rights violation at saka yung alleged drugs, eh maaring mayroon mga mag-share mga information dyan,” pagtatapos niya. Gail Mendoza