MARAMING Manileño ang nagtatanong kung ano na raw ba ang nangyari sa ipinapatupad na “Zero Vendor” ng pulisya at lokal na pamahalaan sa kahabaan ng C. M. Recto sa may area ng Divisoria at bakit tila unti-unti na silang nagbabalikan?
Sa obserbasyon ng mga mamimili at pedestrians, mas marami raw mga illegal vendors sa northern part ng C.M. Recto na sakop ng Manila Police District Station 2 o Moriones Police Station kumpara sa southside na lansangan na sakop naman ng MPD-Station 11 o Meisic Police Station.
Pinapayagan naman talaga ang “night market” sa Divisoria dahil dito nga ang bagsakan ng mga produktong pang-agrikultura na nagmumula pa sa mga malalayong lalawigan ng Norte at maging sa Katimugang bahagi ng Luzon para naman magkaroon ng pagkakataon ang mga manininda ng gulay at iba pang mga produkto, maging ng kasuotan, na maayos na makapaghanap-buhay.
Pero limitado lamang sa gabi ang kanilang pagtitinda at kailangan, alas-5 pa lang ng umaga ay wala na sila sa pwesto nila dahil lilinisin na ng Department of Public Service o DPS, katuwang ang Manila Bureau of Fire Protection, ang kalye para maalis ang mga naiwang dumi, basura at putik sa kalsada.
Pero ngayon daw, dito pa lang sa bungad ng C.M. Recto malapit sa Tutuban Center, may mga umookupa ng vendors sa bangketa na hindi dati nangyayari nang nakaupo pa bilang Detachment Commander ng Dagupan Police Outpost si PCMS. Gerardo Tubera.
Ang naturang Outpost sa Dagupan ay nasa ilalim ng pamumuno sa ngayon ni Station 2 Commander P/LtCol Alvin Christopher Ace Baybayan.
Tanong tuloy ng mga miron sa Divisoria, ito na raw ba ang hudyat nang unti-unting pagbabalik muli ng illegal vendors sa lugar na mahigit tatlong taon ding naging malinis nang maupo bilang alkalde noong ng Maynila si Yorme Isko Moreno Domagoso.
Natatandaan ko pa ang sabi ni Yorme noon na sa oras daw na bumalik ang illegal vendors sa kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria, tiyak na may tumatanggap ng malaking halaga ng pera para sila pahintulutan.
Naku, huwag naman sana, dahil kung nalilingid man ito sa kaalaman ni MPD Director P/BGen Arnold Thomas Ibay, baka may magbulong kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen Jose Melencio Nartatez, Jr. eh mapaaga ang balasahan sa mga station commander.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.






