MANILA, Philippines- Naglabas na rin ng pahayag ang dating technology provider ng Commission on Elections (Comelec) na Smartmatic ukol sa naging pahayag ni Comelec Chairman George Garcia nitong Huwebes.
Sinabi ng Smartmatic na ikinalulungkot nitong marinig ang akusasyon ni Garcia tungkol sa kompanya.
Nilinaw nitong hindi sila sangkot o nasa likod ng anumang alegasyon ni Garcia laban sa kanila.
Ayon pa sa Smartmatic, ang ganitong akusasyon ay hindi patas at hindi makatarungan.
“We are saddened to hear the latest accusations made by Comelec Chairman George Garcia about Smartmatic. Our company is not involved nor is behind any of the claims made by Chairman Garcia against us. Such accusations are both unfair and unjust,” ayon sa inilabas na pahayag ng Smartmatic sa mga mamamahayag.
“Our focus solely remains in prioritizing our legal efforts on the case filed in the Supreme Court of the Philippines. Any suggestion to the contrary is baseless and mere speculation,” dagdag pa ng technology provider.
Ang Smartmatic ay ang nangungunang voting technology at services company sa buong mundo.
Simula nang maitatag noong 2000, sinabi ng Smartmatic na nakapagproseso na sila ng 6.5 bilyong boto nang walang security breach sa halalan sa limang kontinente.
Ayon pa sa Smartmatic, ang kanilang walang kapares na kadalubhasaan sa halalan ay nakatulong sa mga poll body na magpatakbo ng mas mahusay na halalan sa higit 35 bansa sa buong mundo.
Inihayag ito ng Smartmatic kasunod ng tahasang pahayag ni Garcia nitong Huwebes na ang nasabing kompanya ang umano’y nasa likod ng pekeng bank accounts na ipinangalan sa kanya upang yurakan ang pangalan at integridad ng buong komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden