MANILA, Philippines – Naglabas ang Manila local government unit (LGU) noong Linggo ng advisory para sa pagdiriwang ng All Saints’ Day o Undas sa Manila North and South Cemeteries mula Oktubre 30 hanggang Nob. 3.
Nakasaad sa advisory na bukas ang Manila North at South Cemeteries mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Sa mga petsang ito, hindi pinapayagan ang mga sasakyan na pumasok sa mga sementeryo habang ang mga libing at cremation ay ipagpaliban.
Samantala, ang paglilinis, pagkukumpuni, at pagpipinta sa loob ng mga sementeryo ay pinapayagan lamang hanggang Oktubre 26.
Maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak basta’t mayroon silang mga tag mula sa Manila Department of Social Welfare para madaling makilala kung mawala.
Sa kabilang banda, hindi papasukin ang mga nagtitinda sa loob ng mga sementeryo gayundin ang mga pribado at political group na nagdaraos ng mga event.
Sinabi rin ng Manila LGU na ang mga tent at tarps lamang mula sa opisina nito ang pinahihintulutan sa loob ng mga sementeryo.
“Ang mga ambulansya at doktor mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at Manila Health Department ay naka-standby, na may mga ospital (Tondo, Sampaloc, Sta. Ana) na nakahanda para sa mga emerhensiya,” anang Manila LGU.
Idinagdag nito na magkakaroon ng skeletal personnel ang Manila Police District simula Oktubre 27 at full force simula Oktubre 30.
Pinaalalahanan din ang publiko sa mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng mga sementeryo:
-Mga baril at lahat ng uri ng matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, pamutol, spatula, atbp.
-Alak o anumang uri ng inuming nakalalasing
-Mga alagang hayop tulad ng aso, pusa, atbp.
-Mga gitara at malakas na sound system
-Mga nasusunog na materyales tulad ng alkohol, thinner, atbp.
-Mga sigarilyo/lighter
Idineklara ng Malacañang ang All Saints’ Day noong Nob. 1 at All Souls’ Day sa Nob. 2 bilang special non-working days. RNT