HANDANG-HANDA na ang Miss Universe Philippines 2024 na si Chelsea Manalo para ipakita ang kanyang kagandahan, husay sa pagrampa, at adbokasiyang isinusulong sa gaganaping 73rd Miss Universe competition sa Mexico sa November 16, 2024.
Sa isinagawang send-off ceremony sa kanya nitong October 10, 2024, sinabi ni Manalo na 90% na siyang preparado at inaasahan na lamang ang suporta at paniniwala ng mga kababayan sa kanya.
Wala umanong takot at pressure na nararamdaman si Manalo kaugnay sa nalalapit na kompetisyon. Ang gagawin lamang daw niya ay maging totoo sa sarili, mag-enjoy kasama ng ibang mga kandidata at gawin ang mga pinaghandaan niya para sa preliminary competition at sa finals night.
Nakahanda na umano ang isusuot niya sa national costume competition na noong nakaraang taon ay napagwagian ni Michelle Dee, gayundin ang mga kasuotang gagamitin niya sa iba’t ibang aktibidades na gagawin sa Mexico.
Matatandaan na sa local competition nitong May 2024 ay pinahanga ni Manalo ang selection committee sa kanyang “Tampisaw” walk sa swimsuit competition at sa kanyang all-white classic gown na nagpatingkad sa kanyang kulay. Si Manalo ay mayroong African descent.
Hanggang ngayon ay patuloy na pinag-iisipan ng kanyang glam team ang itatawag sa kanyang magiging signature walk sa swimsuit competition.
Preparado na rin diumano siya sa mga posibleng katanungang maibato sa kanya sa kompetisyong sakaling palaring makapasok sa Top 5 hanggang sa final 3.
Pangunahing isinusulong ni Manalo sa pamamagitan ng organisasyong Kids for Kids na maabot ang mga bata at kabataang Dumagat ng Norzagaray, Bulacan sa pamamagitan ng edukasyon.
Ang mga Dumagat ay nabibilang sa katutubong grupong Agta/Ayta na siyang naninirahan at nagmamay-ari ng malaking bahagi ng Angat watershed na siyang nagbibigay ng tubig sa Metro Manila at lalawigan ng Bulacan, Laguna at Rizal. Ang watershed ay isang ancestral domain ng mga Dumagat.
Malapit din ang puso niya sa mga bata na napipilitang ipagkatiwala ng kanilang mga magulang sa kamag-anak dahil sa trabaho sa ibayong dagat na para naman sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Ngunit marami sa mga ito ang nawawala sa tamang landasin dahil na rin sa maling pagtingin sa usapin ng migration.
Medyo may bahagyang pagkakaiba sa format na susundin sa Miss Universe 2024. Mula sa inaasahang 130 delegado ay pipili ang selection panel at Miss Universe Organization ng 30 finalists kabilang ang apat na continental queens at isang fan vote.
Maglalaban ang 30 semi-finalists sa swimsuit para pumili ng top 12 na magpapakitaan ng galing sa pagrampa sa evening gown. Mula rito ay pipili ng top 5 hanggang final 3 kung saan magmumula ang bagong Miss Universe.
Hindi magiging madali ang kompetisyon lalo pa’t pinaghahandaan na rin ng maraming bansa ang prestihiyosong patimpalak, may mga kandidata ngang sa Pilipinas pinili na isagawa ang kanilang pagsasanay.
Isa parin naman si Manalo sa mga umaangat sa mga delegado mula sa Asian continent.
Humihiling si Manalo ng panalangin at suporta sa mga kababayan para matagumpay niyang maiuwi ang ikalimang Miss Universe crown sa Pilipinas na napagwagian noong 1969, 1973, 2015 at 2018.