ISA na namang kalamidad ang tumama sa ‘Pinas bunga ng 7.8 magnitude na lindol sa Sarangani nitong Lunes. Ayon sa Office of the Civil Defense, 37 na ang kumpirmadong patay habang daang milyon, kung hindi man, bilyones, ang halaga ng mga nasirang imprastraktura—kalsada, gusali, paaralan, etc.
Sa panibagong trahedyang ito, isa ulit nakakabinging katahimikan ang sagot ng ‘Tadong Unidos habang tahimik din ang mga “tuta” nito sa Sandatahang Lakas at Department of National Defense kung ano ang silbi ng Lumbia Airbase sa Cagayan de Oro (Mindanao) at Mactan Airbase sa Cebu (Visayas) upang tulungan ang mga biktima.
Ang Lumbia Air Base at Mactan Air Base ay dalawa sa siyam na base-militar ng ‘Tadong Unidos sa ‘Pinas na pwede sanang agad magamit sa ‘humanitarian missions’ pero hindi nga pwede dahil kailangan pa ang “basbas” ni Uncle Sam.
Noong “isinalaksak” ng mga tuta ng Washington ang pagbabalik ng mga bagong base-militar ng Kano, kasama sa kanilang “palusot” ay “pag-aari” raw natin ang mga ito at gagamitin ito sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, tulad ng nangyari noong Lunes sa Sarangani. Talaga lang ha? He! He! He!
Apat na araw na ngayon matapos ang lindol, “nasaan” ang mga Kano? At bakit ‘stay put’ lang ang Armed Forces of the Philippines? Dahil ba wala pang ‘go signal’ ang US Pacific Command sa Hawaii?
Ilang beses na bang nangyari na hindi kumilos ang AFP para gamitin ang mga base-militar at mga kagamitan sa mga ito hangga’t hindi pumapayag ang mga Kano? Kumbaga, ang sitwasyon natin, ‘No US permit, no help and assistance,’ period!
Ang “nakakapikon” pa, para lang makaiwas matumbok ang masagwang katotohanang ito, ang “ibinebenta” sa atin ngayon nitong si General Romeo ‘Brownie’ Brawner ay ang gasgas na “pananakot” hinggil sa China.
At syempre, parang de-susing laruan ng White House itong si Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard na sa halip tutukan ang pagtulong sa Sarangani, wala nang ginawa kundi “urutin” ang mga Pinoy laban sa China.
Aba, mga bossing, “bistado” na namin kayo, okie? “Magpaalam” na kayo sa mga amo ninyong ‘Merkano para naman may silbi kayo. Abangan!






