Home OPINION TRAHEDYA SA BALER, ANONG MAKUKUHANG MGA ARAL?

TRAHEDYA SA BALER, ANONG MAKUKUHANG MGA ARAL?

2
0

SUNOD-SUNOD ang mga pangyayaring nagpapaalala sa atin na ang kaligtasan ay hindi dapat ipinagpapaliban o ipinagwawalang-bahala. Una dito ang pagguho ng isang under-construction building sa Pampanga at sumunod ang 7.8 magnitude na tumama sa General Santos City at mga karatig lugar. Parehong nagdulot ito ng maraming kamatayan at nagpaalala sa kahalagahan ng preventive measures at kahandaan sa panahon ng sakuna. Ang panghuli ay ang trahedya sa Baler, Aurora na ikinasawi ng dalawang kabataang basketball players mula sa Ateneo de Manila University.

Mapait ang sinapit ng dalawang atleta sa Baler. Pero bago tayo tuluyang magpatuloy ay ipinahahatid natin ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi dulot ng trahedyang ito.

Sapat nga ba ang isinagawang paghahanda at mga control measure para sa bawat aktibidades sa labas ng karaniwang sports venue?

Ang aqua training ay isang mahalagang bahagi ng modernong athletic conditioning. Nakakatulong ito sa pagpapalakas ng katawan habang binabawasan ang stress sa mga kasu-kasuan at ibang parte ng katawan. Ngunit tulad ng anomang aktibidad sa tubig, kaakibat nito ang mga hazard at panganib na dapat maingat na pinag-aaralan.

Isa sa mga pangunahing best practices ay ang pagsasagawa ng masusing risk assessment bago ang anomang training activity. Dapat suriin ang kondisyon ng panahon, lakas ng alon, tidal conditions, at iba pang environmental hazards. Kinakailangan ding magkaroon ng sapat na bilang ng trained lifeguards, rescue personnel, at emergency medical responders sa lugar.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng malinaw na emergency response plan, kabilang ang communication protocols, rescue equipment, at agarang access sa pinakamalapit na ospital. Ang bawat atleta at coach ay dapat dumaan sa basic medical check-up at safety briefing bago magsimula ang aktibidad.

Sa ngayon, marami ang nananawagan ng masusing imbestigasyon upang malaman kung may pagkukulang sa pagpaplano, pangangasiwa, o pagpapatupad ng safety protocols. Ang paghahanap ng katotohanan ay hindi lamang para matukoy kung sino ang may pananagutan kundi upang matiyak na hindi na ito mauulit sa ibang paaralan at organisasyon.

Ang paghingi ng hustisya para sa dalawang nasawing atleta ay makatarungan at nararapat. Kung may kapabayaan, dapat may pananagutan. Higit pa rito, ang pinakamahalagang bunga ng imbestigasyon ay ang pagpapatibay ng mga pamantayan sa kaligtasan upang walang ibang pamilya ang muling magluluksa dahil sa trahedyang maaari sanang maiwasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here