Home METRO Alamin: Mga isasarang kalsada sa Pasay sa Sto. Niño Grand Procession

Alamin: Mga isasarang kalsada sa Pasay sa Sto. Niño Grand Procession

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga isasarang kalsada sa lungsod na ipatutupad ng Pasay Traffic Parking and Management Office (TPMO) sa darating na Linggo, Enero 26, upang bigyan ng daan ang pagsasagawa ng Sto. Nino Grand Procession.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ipapatupad ang pagsasara ng mga kalsada na nasasakupan ng lungsod mula alas 11:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi ay kinabibilangan ng Derham Park; F.B. Harrison (dalawang linya ang sasakupin ng prusisyon mula F.B. Harrison EDSA hanggang Roxas Boulevard patungong Mall of Asia); EDSA; Roxas Boulevard (dalawang linya rin ang masasakop ng prusisyon mula northbound ng Roxas Blvd. EDSA hanggang Buendia Avenue; Buendia Avenue at Jalandoni Street.

Bukod sa mga nabanggit na lugar ay sinabi rin ni Calixto-Rubiano na ipapatupad din ng TPMO ang pagsasara ng kalsada sa Enero 25 ng alas 6:00 ng gabi hanggang alas 9:00 ng gabi ng enero 26 sa northbound lane ng Jalondoni Street gayundin din sa northbound lane ng F.B. Harrison Street mula Galvez Street hanggang Arnaiz Avenue.

Ayon pa kay Calixto-Rubiano, kanyang pinayuhan ang mga motorista na maaapektuhan ng prusisyon na patungo ng Maynila na dumaan sa Diokno Boulevard at kumanan sa Vicente Sotto patungong Bukaneg Street hanggnag sa makarating sa P. Ocampo kung saan inirekomenda ng mayora sa mga motorista na patungong southbound (Baclaran/Parañaque) na gamitin na rin ang rutang ito pati na rin ang kahabaan ng Taft Avenue na hindi maaapektuhan ng prusisyon.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na mahigit isang daan ng iba’t-ibang uri ni Sto. Niño ang lalahok sa naturang Grand Procession na dadaluhan naman ng libu-libong namamanata sa patron kung saan magsisimula ang prusisyon sa harap ng Pasay City Hall na iikot sa buong lungsod bago magtungo sa pinakahuling destinasyon sa Star City/Philippine International Convention Center (PICC). (James I. Catapusan)