Home NATIONWIDE Basilan ambush kinondena ng UN

Basilan ambush kinondena ng UN

MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng United Nations sa Pilipinas ang pananambang na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng 12 iba pa sa bayan ng Sumisip sa probinsya ng Basilan noong Enero 22.

Sa kabila ng insidente, sinabi ni UN Philippines Resident Coordinator Gustavo Gonzalez na mananatili ang UN team at magpapatuloy sa paghahatid ng mga programang pangkapayapaan at pag-unlad sa rehiyon ng Bangsamoro.

Nangyari ang insidente habang papunta ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para i-escort ang UN Development Program (UNDP) team para sa community engagement sa Barangay Lower Cabengbeng sa Sumisip.

Sinabi ni Gonzalez na walang tauhan ng UN ang nasa paligid ng insidente noong mga oras na iyon.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Alvin Luzon, Army’s 101st Infantry Brigade commander, na sinunog din ng mga lawless elements ang isang KM450 military vehicle, na nagdulot ng karagdagang pinsala.

Dalawang lawless elements ang naiulat na nasawi sa sagupaan, na aniya ay suportado ng ilang peace spoiler na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi pa ni Gonzalez na ito ang kauna-unahang insidente na kinasasangkutan ng UN team mula nang ipatupad ang peace process.

Kasalukuyang nagsasagawa ang UN ng security risk assessments bago magsagawa ng mga misyon sa Pilipinas nang mangyari ang ambush. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)