Home OPINION ‘FIRING SQUAD’ SA MGA KORAP

‘FIRING SQUAD’ SA MGA KORAP

ISANG panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong parusahan ng death penalty by firing squad ang mga opisyal sa gobyerno na mapatutunayan ng korte na nagkasala sa kasong katiwalian o pagnanakaw sa pondo ng bayan.

Sa ilalim ng House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act na inihain ni Zamboanga Rep. Khymer Olaso, sakop nito ang lahat ng public officials, inihalal man o itinatalaga.

Kasama rin ang mga opisyal sa executive, legislative, judicial branches, mga nasa constitutional commissions, government-owned and controlled corporations, at iba pang sangay, kasapi ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Nakasaad din sa panukala na papatawan ng firing squad ang mga opisyal na napatunayang nagkasala at nilitis sa Sandiganbayan:

Nagkasala sa kasong graft sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (causing injury to the government due to partiality)

Kasong malversation of public funds (use of public funds for purposes not provided for it) at

Kasong plunder o pandarambong (na nagkamal ng aabot sa P50 milyong halaga ng public funds)

Sa sobrang dami ng mga korap o buwaya sa Pilipinas, matagal na nating ipinagdarasal na magkandamatay na ang mga animal na nagpapahirap sa ating bayan.

Sa totoo lang, hindi sana maghihirap ang bayan nating minumutya kung tapat lang sa sinumpaang tungkulin ang mga nagsisilbi at namumuno sa atin.

Wala sanang magugutom kung hindi nila ninanakaw ang pera ng bayan na sana ay ipinantutustos para sa ating kapakanan.

Halimbawa sa Kongreso, pinaparti-parti nila ang pondong bayan kunwari para ipang-ayuda pero sa kani-kanilang bulsa napupunta ang malaking halaga habang kakarampot sa taumbayan.

Lunod na lunod na sa hirap ang bayan ni Juan dela Cruz dahil ang perang inutang sa pandaigdigan ay nilulon ng mga buwayang nagpapanggap na mga santo at santa na nasa pamahalaan.

Sadyang panahon na upang pasabugin ang mga utak ng mga walanghiyang kawatan sa gobyerno ngunit ang panukalang firing squad sa kanila ay mapupunta lang sa kawalan.

Kasi’y kakaunti lang ang papayag na sinoman sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas na maagang itutok sa kanilang mga ulo ang gatilyo ng House Bill 11211.