MANILA, Philippines – Matinding nanawagan ang magkapatid na Cayetano sa Senado na tuluyan nang ipagbawal ang pagpasok ng vape products sa bansa tulad nang ginawa ng walong bansa sa Southeast Asia na nagbabawal sa produkto.
Sa magkasanib na pahayag, sinabi nina Senador Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano, kailangan nang kumilos ang Pilipinas sa total ban ng vape products dahil mahigpit nang ipinatutupad ito sa walong bansa sa ASEAN.
Sumunod ang Myanmar sa mga kapitbahay sa ASEAN region sa pagpapatupad ng ganap na pagbabawal sa vape. Nauna nang nagpatupad ng parehong polisiya ang Brunei, Cambodia, Lao PDR, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam.
Sa gitna nito, lalo pang umiinit ang usapin sa Pilipinas dahil sa pagtaas ng paggamit ng vape sa mga kabataang Pilipino at matapos maitala ng pamahalaan ang unang pagkamatay na may kaugnayan sa E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury o EVALI noong 2024.
Sa isang privilege speech sa Senado, iginiit ni Senador Pia na nakababahala ang pagdami ng mga kabataang gumagamit ng vape at tinutulan ang pahayag na mas ligtas ito kumpara sa tradisyunal na sigarilyo.
“Based on a study of the DOST, Food and Nutrition Research Institute, the prevalence of e-cigarette smoking among adolescents aged 10 to 19 increased to 0.8 percent in 2015. This is less than 1 percent, to 39.3 percent, almost 40 percent in 2023. This is a crazy increase in statistics,” sabi niya.
“The tobacco industry would like us to believe that vapes and all these alternative products are safer for us. That has been their battle cry. It is not safer, that is the big problem that we have right now,” dagdag niya.
Binatikos din ng senador ang aniya’y mahinang pagpapatupad ng umiiral na batas sa vape at muling binigyang diin na bumoto siya laban sa Vaporized Nicotine Products Regulation Act noong nakaraang Kongreso.
Upang matugunan ang mga kakulangan sa regulasyon, binanggit ng senador na naghain siya ng panukalang ilipat ang kapangyarihan sa pagre-regulate ng vape mula sa Department of Trade and Industry (DTI) patungo sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon sa kanya, mas may mandato at teknikal na kakayahan ang FDA para bantayan ang mga produktong may kinalaman sa kalusugan.
“Mula noong araw na pinasa natin y’ang vape law na yan, hindi pa rin nagte-test. The vape law gave the DTI the power to test and to regulate. They’re not doing their job,” wika ng senador.
Para naman kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kailangang agarang kumilos ang pamahalaan dahil buhay ang nakataya. Matagal na rin aniyang dapat unahin ang kalusugan ng publiko kaysa interes ng industriya.
“Every single day we delay [banning vape products,] may mga buhay na nalalagay sa panganib,” sabi ng minority leader.
Sa pagdami ng mga bansang ASEAN na nagpapatupad ng total ban, sinabi ng magkapatid na Cayetano na may pagkakataon ang Pilipinas na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang maprotektahan ang kabataan at maiwasan ang mas malalang panganib sa kalusugan dulot ng nicotine products. Ernie Reyes