MANILA, Philippines – Inamin ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Mania Rep Joel Chua na ang desisyon ng komite na ilipat ng ibang kulungan si Atty. Zuleika Lopez ay resulta na rin ng nakakaalarmang aksyon ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pressconference sinabi ni Chua na nagkaroon ng emergency zoom meetings ang komite base na rin sa dalawang sulat na kanilang natanggap na pawang “red flags.”
Unang liham ay galing kay Davao City Rep. Paolo Duterte na nagsasabi na binibigyan nito ng pahintulot ang kapatid na si VP Sara na manatili sa kanyang tanggapan habang ang ikalawa ay mula mismo kay VP Sara na humihingi ng pahintulot na makapagjogging sa House grounds.
Ang dalawang sulat ay inirefer ng komite kay House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas dahil nasa hurisdiksyon nito ang usapin sa security subalit kumalat umano sa social media ang mga sulat na nagdulot ng pagkaalarma at pagtawag ng emergency meetings.
Sinabi ni Chua na ang presensya ni VP Sara sa House complex ay may malaking impact sa security operations.
“Ang isa nga po sa mga napag-usapan ay ‘yung security risk, hindi lamang po ng ating House of Representatives pati na rin po ng ating Vice President,” ani Chua kung saan pinunto pa nito ang armed security detail ng Pangalawang Pangulo na nakabantay sa Batasan Complex.
Bandang huli ay nagdesisyon ang komite na ilipat na lamang sa Women’s Correctional si Lopez na mas mayroong secure facility.
“The urgency of the situation left the committee with no option but to act before the next scheduled hearing on Monday, Nobyembre 25 pagtatapos pa ni Chua. Gail Mendoza