Home METRO Albay ‘blue economy’ muling isinusulong ng isang NGO

Albay ‘blue economy’ muling isinusulong ng isang NGO

LEGAZPI CITY – Muling isinusulong ng isang “non-government organization” (NGO) na Albay Blue Lane (ABL) Inc., ang pinasimulan nitong konsepto at pangkaunlarang programang ‘blue economy’ na naglalayong pangalagaan ang kalikasang yaman at pasulungin ang mga pamayanan sa tabing dagat ng Albay.

Kamakailan ay nagpulong ang naturang NGO sa Pacific Blue Dive Center dito upang muling tutukan at tiyakin ang wasto at mabisang pangangalaga sa “world class biosphere reserve” ng Albay.

Ayon kay Nong Dawal, isa sa mga orihinal na bumuo at nagtatag ng ABL Inc,. dahil sa lalong tumitinding banta ng “climate change” o pagbabago ng klima, sadyang napakahalaga ang konsepto at programang “blue economy” na sumasaklaw sa “marine resources conservation” at itinuturing na “last frontier of development” kaya kailangan itong proteksiyunan at pangalagaan.

Idineklara noong 2016 ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization or UNESCO ang Albay bilang isang mahalagang “World Biosphere Reserve“ nang gubernador nito si Rep. Joey Sarte Salceda na ngayon ay knatawan ng Albay sa Kamara. Ayon kay Dawal ang naturang deklarasyon ng UNESCO na naglagay sa kanilang lalawigan sa pandaigdigang listahan ng mga kahanga-hangang mga lugar, ang gagamitin nilang plataporma ng pinasigla nilang programa.

Katatapos lamang ipatayo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang gusaling “Biosphere Reserve and Research Center” sa bayan ng Manito dito. Inaasahang makukumpleto ang makabagong laboraturyo at mga kagamitan nito, kasama Narin ang mga sanay na mga tauhan ng Center sa maagang bahagi ng susunod na taon.

Ipinaliwanag din ni Dawal na magkakaroon din ng transpormasyon ang kanilang ABL Inc. na tututok ngayon sa mga bagong pangangailangan ng pag-unlad sa hinaharap, kasama ang pananaliksik, pakikipag-alyansa, at pagpapaunlad sa sariling kaalaman. Ang konsepto ng ABL ay unang ipinakilala ni Gov. Salceda noong 2007 bilang isa sa limang sandalan ng pagunlad. Una itong itinuon sa apat na mga baybaying bayan sa silangang bahagi ng Albay — Cagraray, Rapu-rapu, Batan and San Miguel Island (CRABS).

Upang lalong palakasin at patibayin ang pangkaunlarang dimension nito, kasunod na ipinalabas ang isang “executive order” na nagaatas na ipatupad ang “Coastal Resource Agri-Bio System (CRABS++),” isang “development approach” na naglalayong pababain at bawasan ang kahirapan sa mga baybayin at islang pamayanan sa bandang silangan at kanlurang bahagi ng Albay.

Bunga ng matagumpay na mga pagsasanay at pagpapapasulong sa yamang “biodiversity” ng lalawigan, ni-reorganisa ang dating ABL at ginawa itong NGO na pinangalanang Albay Blue Lane Eco-Nautical Tourism Unit noong Abril 2014, at ngayon ay tinatawag na ABL Inc. Noong 2014 lamang, nagawang sanayin ng ABL Inc. ang 14 na barangay sa “bio-intensive gardening.” Namahagi din ito ng mga kagamitan sa “organic farming” sa 3,150 sa mga baybaying pamayanan, nagsagawa ng apat (4) na “underwater bio-physical assessment” sa Albay Gulf, tinurol at pinag-aralan ang 32 “dive sites” at isinulong ang 23 “tourism sites” sa lalawigan.

Sa mga talaan, makikitang naunang isinulong ng ABL Inc. ang konseptong “blue economy” bago ito inako at isinulong ng pamahalaan bilang programa ng DENR.

Kasama sa mga dumalo sa miting ng ABL Inc. nitong nakaraang Disyembre 19 sina Dawal, Raymund Daen, dating Guinobatan Mayor Christopher Dy-Liacco Flores na masugid ding “environmental advocate,” “dive expert” George Nakano, at Ex Riez ana kilalang mamamahayag.

Magkakaroon ng “General Assembly Meeting” ang ABL Inc. sa maagang bahagi ng 2025 upang botohan ang bagong “Board” at mga opisyal nito. Sandaling namahinga ang ABL Inc, bunga ng nagdaang “pandemic.” RNT