MANILA, Philippines – Dalawang pangunahing personalidad sa kontrobersya ng flood control projects ang sabay na ipinasailalim ng Senate Blue Ribbon Committee sa contempt nitong Huwebes: si dating DPWH Bulacan engineer Henry Alcantara at si contractor Curlee Discaya.
Inakusahan si Alcantara ng mga dating kasamahan na kumukuha umano ng 40% bahagi mula sa ghost projects sa Bulacan. Mariin niya itong itinanggi at iginiit na “wish list” lamang ng proyekto ang isinusumite niya at doon lang siya nakahalatang may anomalya. Ngunit kinuwestyon siya ni Senador Erwin Tulfo: “District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project. Wala ka rin alam lumobo ang budget mo.” Dahil dito, idineklara ng komite na nagsisinungaling siya at ipinataw ang contempt.
Si Discaya naman ay itinuring ding nagkasala ng contempt matapos magsalita na may “heart condition” ang asawang si Sarah kaya hindi nakadalo. Ngunit sa kanyang sulat, ibang dahilan ang ibinigay—ang pakikipagpulong sa mga empleyado. Binanatan siya ng mga senador dahil sa magkakasalungat na pahayag. “Binabastos mo kami. Huwag mo kaming lokohin,” ani Senador Tulfo, habang tinuligsa ni Senadora Risa Hontiveros ang pagiging “inconsistent” ng kanyang mga sagot. Humingi ng paumanhin si Discaya at iginiit na hindi niya sinadyang magbigay ng maling pahayag.
Ipinapakita ng dalawang insidente ang lumalalang pagkadismaya ng Senado sa imbestigasyon hinggil sa mga kuwestiyonableng flood control projects na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng DPWH at mga contractor. RNT