MANILA, Philippines – Nangako si state witness at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara na maibabalik sa gobyerno ang P300 milyon pagsapit ng 2027 bilang bahagi ng kanyang pagpasok sa Witness Protection Program (WPP).
Inihayag ito ni Alcantara sa pagdinig ng Sandiganbayan kaugnay ng graft case laban kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr. at anim na iba pa hinggil sa umano’y maanomalyang P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na ayon sa mga imbestigador ay walang naitayong istruktura.
“It’s P300 million, Your Honor,” sagot ni Alcantara kay Sandiganbayan Fourth Division Chairperson at Associate Justice Michael Musngi nang tanungin kung magkano ang kanyang napagkasunduang isauli sa ilalim ng WPP.
Ayon kay Alcantara, nakapagbalik na siya ng P181 milyon sa pamahalaan.
“By September this year, I will return P25 million. By the end of 2027, I will have fully paid it,” aniya.
Sa pagdinig, tinanong din ni Musngi si Alcantara tungkol sa kanyang net worth. Sinabi nitong nasa P18 milyon ang kanyang yaman at inamin na hindi tugma ang nakasaad sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Yes,” pag-amin ni Alcantara nang tanungin kung alam niyang may pagkakaiba sa kanyang deklaradong ari-arian. RNT