MANILA, Philippines – Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nagpapahiwatig ng mas mataas na posibilidad ng delikadong pagputok.
Ayon sa bulletin, nagpapakita ang Mayon ng magmatic eruption ng summit lava dome, na may tumataas na posibilidad ng lava flows at pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” sa upper at middle slopes, at posibleng explosive activity sa loob ng mga susunod na araw o linggo.
Naitala ang PDC sa Bonga (southeast) Gully bandang 12:26 p.m., na tumagal ng tatlong minuto at umabot sa loob ng 2 km mula sa summit crater. Samantala, nananatili sa baseline level ang sulfur dioxide (SO2) emissions.
Batay sa Phivolcs, ipinapakita ng short-term ground deformation data mula sa GPS, electronic tilt, at iba pang monitoring devices ang patuloy na inflation ng eastern at southeastern slopes simula Hunyo 2024.
Mula Enero 1, naitala ang 346 rockfall events at apat na volcanic earthquakes, mas mababa kumpara sa 599 rockfall events mula Nobyembre hanggang Disyembre noong nakaraang taon.
Ipinayo ng Phivolcs ang evacuation sa loob ng 6-km radius Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng PDCs, lava flows, rockfalls, at iba pang volcanic hazards. Pinayuhan din ang mga civil aviation authorities na iwasang lumipad malapit sa summit dahil maaaring delikado sa eroplano ang ash.
Batay sa kasalukuyang direksyon ng hangin, pinakamalaking posibilidad ng ash fall ay sa southern side ng bulkan. RNT/MND