TAPOS na ang kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon matapos silang matalo ng partner niyang si Eva Lys sa unang round ng Ladies’ Doubles laban kina Quinn Gleason at Ingrid Martins.
Hindi nakasabay ang tambalang Filipina-German sa karanasan ng kalaban at natalo sa score na 4-6, 2-6.
Sa unang set, nanalo sila sa opening game ngunit mabilis na bumawi ang American-Brazilian duo at kinuha ang momentum.
Pilit na humabol sina Eala at Lys at naibaba pa sa 4-5, pero hindi na nila nahabol ang kalaban.
Sa second set, muling sila ang nanalo sa unang game ngunit sumagot ang kalaban ng apat na sunod-sunod na puntos.
Nagpakita pa ng bahagyang buhay ang tambalan nina Eala at Lys, ngunit mabilis din silang tinapos ng kalaban sa loob lamang ng isang oras at 24 minuto.
Ito na ang huling laban ni Eala sa grass-court Grand Slam ngayong taon matapos din siyang matalo sa singles sa unang round kontra kay Barbora Krejcikova. JC