Home NATIONWIDE Alice Guo, Cassandra Ong 34 iba pa nahaharap sa reklamong money laundering

Alice Guo, Cassandra Ong 34 iba pa nahaharap sa reklamong money laundering

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines- Sinampahan ng gobyerno ng reklamong money laundering ang pinatalsik na si Bamban Mayor Alice Guo, Cassandra Ong, at ang incorporators ng ilang POGO firms sa Department of Justice.

Kabilang ang 35 respondents sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation, Presidential Anti-Organized Crime Commission, at Anti-Money Laundering Council.

Sinabi ng ahensya na natuklasan na si Guo at ang incorporators ng Hongsheng Gaming Technology, Baofu Land Development Inc at Zun Yuan Technology Inc. ay nagpartisipa sa paglilipat ng pondo sa umano’y ‘fraudulent sources.’

Sakop ng imbestigasyon ang bilyong pisong halaga ng bank accounts at assets ni Guo mula 2019 hanggang 2024. Kabilang din ang bank accounts at properties ng kanyang pamilya, POGO companies at kanilang bank accounts, ay ang umano’y shell companies na iniuugnay sa mga ito.

Ayon sa NBI, natuklasan din nito ang ugnayan sa pagitan ng bank accounts at shell companies ni Alice Guo na umano’y nagbayad ng ‘utilities at electricity’ ng POGO buildings.

Ginawa ang transaksyon matapos na umanong nag-divest si Guo mula sa POGO company.

Nagtago si Guo matapos  akusahan na isang Chinese citizen at namamahala ng POGO operations sa Bamban, Tarlac.

Hindi naman siya kasama nina Ong at Shiela Guo, na naunang napaulat na kapatid ng dating alkalde, nang maaresto sina Ong at Shiela Go sa Indonesia noong nakaraang linggo.

Samantala, nananatili naman si dating Mayor Guo sa Jakarta, Indonesia, ayon sa DOJ. Kris Jose