MANILA, Philippines – Naaresto na sa Indonesia ang na-dismiss na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, ayon sa ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Miyerkules.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na nahuli si Guo sa Tangerang City noong Miyerkules ng umaga.
“I was just informed by the NBI that Guo Hua Ping (also known as Alice Guo), was arrested in Tangerang City, Jakarta, Indonesia, at 01:30 on September 4, 2024,” ani Gatchalian sa mga mamamahayag.
“Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Polri,” dagdag niya.
Sinabi rin ni NBI Director Jaime Santiago na ipinaalam sa kanila ng kanilang counterpart ang pag-aresto kay Guo bandang ala-1 ng umaga.
“Ang report na dumating sa amin, nahuli na raw ng Indonesian police kaninang madaling araw kaya nakikipag-coordinate na kami ‘yung immediate na pagbalik sa atin si Alice,” ani Santiago sa panayam ng Unang Balita.
“Wala pang detalye kung paano siya nahuli. Basta ang report lang nahuli siya ng madaling araw…Naka-detain nga po sa police ng Indonesia,” aniya pa.
“Wala pang information kay Wesley. Kay Alice pa lang po,” paglilinaw pa ni Santiago.
Dagdag pa niya, may mga operatiba ng NBI sa Indonesia na kinumpirma rin ang pag-aresto.
Si Guo ay nahaharap sa ilang legal na problema sa Pilipinas.
Ang 33-anyos na na-dismiss na alkalde ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo dahil sa paulit-ulit na pagkabigong dumalo sa imbestigasyon ng upper chamber sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Inutusan din na arestuhin ng Senado sina Dennis Lacson Cunanan, Nancy Jimenez Gamo, at ang mga umano’y kamag-anak ng alkalde na sina Shiela Leal Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen L. Guo, at Wenyi Lin.
Noong Mayo, nagsampa ng kasong graft ang Department of Interior and Local Government laban kay Guo dahil sa iniulat niyang pagkakasangkot sa POGO.
Noong Hunyo, nagsampa rin ng reklamo ang mga awtoridad laban kay Guo at iba pa dahil sa umano’y human trafficking kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban. Ito ay isinumite para sa resolusyon noong nakaraang buwan.
Naghain din ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General laban kay Guo. RNT