MANILA, Philippines – Posibleng maibalik sa dating ‘identity’ na Chinese, sina suspended Bamban Mayor Alice Guo at pamilya nito sa oras na makansela ang mga birth certificate ng mga ito.
Nilinaw ni Philippine Statistics Authority (PSA) Eliezer Ambatali, isa sa mga director ng legal service ng PSA nitong Huwebes, Hunyo 27, na ito ay matapos irekomenda ng ahensya ang kanselasyon ng birth certificate ni Guo dahil sa discrepancies.
Sa detalye kung mapapawalang-bisa rin ba ang birth certificate ng tatlong kapatid nito, sinabi ng PSA na opisyal lamang na inirekomenda ang kanselasyon ng birth certificate ng alcalde.
“Hindi natin alam kung sila ay may dokumentasyon na sila ay Chinese. Kung sila ay may pinanghahawakan na Chinese (documentation) magre-revert ang kanilang identity sa kanilang Chinese identity,” pahayag ni Ambatali sa panayam sa radyo.
Kung walang patunay na sila ay mula naman sa China at makansela ang birth certificate ng mga ito, sinabi ni Ambatali na magiging “floating” ang citizenship ni Guo at kapamilya.
Ayon kay Ambatali, isa sa mga iregularidad na nakita sa birth certificate ni Guo at tatlo pang kapatid ay ang petsa ng kasal ng kanilang mga magulang.
“Doon sa apat na mga magkakapatid, ang mga magulang na nakasaad dito ay pare-pareho. Ngunit ang (date ng) kasal na sinasabi sa mga birth certificates na ito, ay iba-iba,” ayon kay Ambatali.
Inihayag din ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules na mayroon nang ibang indibidwal na ang pangalan ay Alice Leal Guo sa database ng National Bureau of Investigation.
Si Guo ay kasalukuyang ginigisa sa umano’y kaugnayan sa Zun Yuan Technology, isang Philippine Offshore Gaming Operators (Pogo) hub sa Bamban na nilusob ng mga awtoridad noong Marso. RNT/JGC