MANILA, Philippines – Posibleng bukas, Setyembre 23 ilipat si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Matatandaan na hindi natuloy ang paglilipat kay Guo mula PNP Custodial Center sa Camp Crame patungong Pasig City jail facility nitong Biyernes ng gabi dahil kailangan pang kumpletuhin ng PNP ang documentary requirements para sa paglilipat ng kustodiya kabilang ang medical assessment ng dating alkalde.
“Most likely Monday po [ang transfer,] as per CIDG,” sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Isinailalim sa booking procedures si Guo at isinagawa rin ang medical examination para sa kanya sa Camp Crame alinsunod sa court order ng kanyang paglilipat.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, inabisuhan sila ng PNP na hindi pa nakukumpleto ang transfer requirements.
Siniguro naman ni Bustinera na ang BJMP ay handa “this weekend and anytime,” kung kinakailangan para iproseso ang paglilipat.
Sa ulat, makakasama ni Guo sa detention facility ang 44 na inmates.
Ang paglilipat kay Guo ay ipinag-utos ng Pasig City Regional Trial Court-Branch 167, na dumidinig sa non-bailable case na qualified human trafficking.
Nitong Biyernes ng gabi, nagpiyansa si Guo ng P540,000 para sa kanyang graft charges sa Valenzuela City Regional Trial Court-Branch 282.
Sa kabila nito ay mananatili siyang naka-detain dahil sa iba pang kaso at contempt orders mula sa Senado at Kamara. RNT/JGC