Home NATIONWIDE Alituntunin sa pagprisinta ng baril na ebidensya sa korte inilatag ng SC

Alituntunin sa pagprisinta ng baril na ebidensya sa korte inilatag ng SC

MANILA, Philippines – Nagtakda ang Korte Suprema ng guidelines o mga alituntunin kung kailan dapat iprisinta bilang ebidensya sa korte ang nakumpiskang baril.

Una nang sinabi ng Korte sa mga nagdaang kaso na hindi kailangang iharap bilang ebidensya ang aktwal na baril.

Minabuti ng Korte na maglabas ng mga alituntunin para maiwasan ang pagkalito na maaaring magbunga sa pagpataw ng maling parusa or pag-convict sa inosenteng tao.

1. Kung ang isang akusado ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ang mismong baril na nakumpiska ay dapat iharap sa korte upang matukoy ang hatol sa akusado at ang nararapat na parusa na ipapataw;

2. Kapag ang paggamit ng baril ay isang qualifying circumstance, ibig sabihin, kapag binago nito ang uri ng krimen, at ang parusang ipapataw ay depende sa klasipikasyon ng baril, ang mismong baril na nakumpiska ay dapat iharap sa korte;

3. Kapag ang paggamit ng baril ay isang aggravating circumtance, ibig sabihin, kapag pinapataas nito ang parusa sa krimen, o likas sa uri ng krimen na isinakdal, ang mismong baril na nakumpiska ang dapat iprisinta pero maaari ring tanggapin ang pangalawang ebidensya; at

4. Sa lahat ng sitwasyon kung saan kinumpiska ang isang baril mula sa isang akusado, ang nakumpiskang baril ay dapat mamarkahan, kukunan ng larawan, duly authenticated, at ipreserba ang integridad nito.

Binigyang-diin ng Korte na sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga paglabag sa RA 10591, ang kawalan ng aktwal na nakumpiskang baril ay hindi maaaring palampasin.

Dagdag pa ng Korte, hindi sapat para ma-convict ang isang akusado ang pagprisinta ng sertipikasyon na nagsasaad na ang akusado ay walang lisensiya para magmay-ari o humawak ng baril

Ang Desisyon ay mula sa En Banc ng Korte na sinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na may Separate Concurring Opinion mula kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo at Concurring Opinion mula kay Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa. Teresa Tavares