MANILA, Philippines – Nagsampa ang pamunuan ng Villa Tomasa-Alona Kew Hotel Resort ng criminal at civil cases laban sa mga indibidwal na pinamumunuan ni Panglao Bohol Mayor Edgardo “Boy” Arcay sa umano’y mga alegasyon ng harassment at iba pang mga kaso sa pagpapatigil sa operasyon ng resort noong Abril 16, 2024.
Ayon sa legal team ng resort, idinemanda na nila ang mga respondents noong Abril 26 sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bohol City of Tagbilaran isang linggo lamang matapos ang insidente na ikinagulat ng halos 300 local at international tourists nang mangyari ang takeover.
“Ang mga biktima ng ilegal na gawain sa Villa Tomasa-Alona Kew Resort sa Panglao Bohol ay nagsampa ng mga kasong kriminal at sibil laban sa mga responsable sa kanilang pag-aalis,” sabi ng legal team ng resort, at idinagdag na ang isang legal na aksyon ay gagawin din laban sa sinumang papasok sa kasunduan nang hindi nito nalalaman.
“Maghahain din sila ng tamang legal na aksyon laban sa sinumang bibili ng hotel resort dahil ang mga nasabing biktima ay may valid at existing option na bilhin ang subject na ari-arian na nasa nature ng right of first refusal. Kung ang sinumang bibili ay nakipagtulungan sa dispossession, sila rin ay mananagot sa krimen,” dagdag nila.
Ang pamunuan ng Villa Tomasa-Alona Kew Hotel Resort ay nagpahayag din ng takot at labis na pagkadismaya sa grupo dahil sa umano’y paggamit ng labis na puwersa upang kunin ang resort nang walang anumang babala sa pagsasara.
“Ang aming 300 empleyado ay na-trauma hanggang ngayon at lahat ng mga turista ay nagulat pagkatapos ng kakila-kilabot na insidente – kaya’t nagpasya kaming magsampa ng kaso laban sa mga indibidwal na sangkot para sa panliligalig at iba pang mga kaso,” yon sa management ng resort.
Ilang beses din silang umanong nag-a-apply ng business permit hanggang sa huling sandali ngunit tinanggihan.
Hinihiling ng pamunuan ang iba pang ahensya ng gobyerno o mga kaukulang awtoridad tulad ng Department of Interior Local Government (DILG) na seryosong tingnan ang bagay na ito.
“Humihingi kami ng tamang hustisya hindi lamang para sa mga may-ari ng resort kundi para mailigtas din ang aming mga empleyado sa pagkawala ng trabaho pagkaraan ng isang taon dahil may apat na taon pa ang natitira sa 5-year lease agreement,” dagdag ng management.
Maraming tao tulad ng mga small enterprise business establishments at mga lokal na parokyano sa paligid ang nalulungkot sa hindi napapanahong pagsasara ng isa sa pinakasikat na resort sa lalawigan ng Bohol lalo na’t ang lalawigan ay isa sa pinakamabilis na lumalagong sikat na destinasyon ng mga turista sa bansa, ayon sa sa pamamahala.
“Ang dating mapayapang Panglao na kilala bilang kanlungan para sa pagpapahinga ay nagiging isang lugar ng kawalan ng katiyakan,” sabi ng pamunuan.
Matatandaang ipinasara ni Mayor Arcay ang resort dahil sa umano’y kawalan ng permit at sinabing maaari silang makapagbukas muli kung makakacomply sa requirements. RNT