Home OPINION ‘ALL EYES’ KAY GEN. TORRE 

‘ALL EYES’ KAY GEN. TORRE 

SA tri-media (telebisyon,  radio at print),  isama pa ang social media ay halos dalawang linggo nang  laman ng  balita si  PBGen Nicolas Torre lll.

Kasama ang 2,000 pulis, si Torre ay nagsadya sa Kingdom of Jesus Christ compound noong Agosto 24 sa Davao city para ihain ang arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natatagpuan si Quiboloy na wanted sa kasong human trafficking at sexual harassment sa Pinas at  maging sa  bansang  America.

Sa maya’t mayang breaking news, matindi ang resistance na  ipinapakita ng mga miyembro kaya naiintindihan natin ang hirap na nararanasan ng police contingent sa loob ng KOJC.

Kaya bilang Davao Region top cop na inaasahan ng  PNP hierarchy o “itaas” na kukuha sa self-proclaimed son of God ay masalimuot,  nagsisilbing  hamon sa kakayahan ni Torre ang paghuli kay PACQ.

“Fragile” ang sitwasyon sa ‘standoff’ sa KOJC compound na sa isang iglap ay magdudulot ng matinding kahihiyan  sa PNP at gobyernong Marcos.

 Kaya “all eyes’, ang atensyon at interes, hindi lang ng mga Pilipino kundi maging ng mga Amerikano sa diskarte ni Torre kung paano isasakatuparan ang pag-aresto kay Quiboloy.

Dahil maimpluwensya ang subject ng warrant of arrest, mahirap ang kalagayan ni Torre  dahil maaaring maging dahilan ito ng problema  ng kanyang papatapos na career.

Pero sa isang banda, maigi rin ang pagkakatalaga ni Torre bilang Police Regional Office 11 director at ang pagkakataong pangunahan ang paghanting sa puganteng pastor.

Dahil malay natin, baka dahil sa ‘nagpapakilalang anak ng Diyos’ ay masuwerteng masungkit ni Torre ang pinapangarap na top post ng pambansang pulisya.