NANGANGAMBA ang mga residente ng Capas, Tarlac na humantong sa pisikal na kaguluhan ang pagpapasara ng Bases Conversion and Development Authority at ng Clark Development Corporation sa Kalangitan Sanitary Landfill sa darating na October 5.
Naninindigan pa rin ang Metro Clark Waste Management Corporation, ang operator ng Kalangitan, na hanggang Year 2049 pa ang kanilang lease agreement sa one hundred hectares na lupang kinalalagyan ng landfill.
Kasalukuyan din na nagkakaso ang Metro Clark sa Regional Trial Court sa San Fernando City, Pampanga at kailangan din munang aksyunan ng hukuman ang isinampang reklamo bago magkaroon ng resolusyon sa pagitan ng Metro Clark at ng BCDA/CDC.
Ibig sabihin, wala na munang gagalaw o status quo dapat. Pero may umuugong na may banta nang physical take over sa Kalangitan Sanitary Landfill gamit ang pwersa ng pulis.
Hindi tama ito, lalo’t may pending case pala, kaya inaalam natin ngayon kay Philippine National Police Chief PGen Rommel Marbil kung gagamitin dito ang kanyang mga tauhan. Huwag naman sana dahil hanga pa naman tayo sa integridad at dangal ng pwersa ng pulis.
At ilang linggo na, ayon na rin sa management ng Metro Clark, ay may mga napapansin silang grupo at indibidwal na nagmamanman sa palibot ng kanilang site at madalas na rin daw ang paniniktik ng ilang helicopter.
Posible kayang nakikialam na rin ang militar, lalo’t isang dating military official at ex-Defense secretary ang present chairman ng BCDA na si Delfin Lorenzana? Napakataas ng respeto natin kay Lorenzana at naniniwala tayo na hindi niya mamantsahan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na kanyang pinaglingkuran sa mahabang panahon. Salute, Sir!
Ang tapang ng militar (at ito naman ang kanilang mandato) ay dapat na gamitin kontra mga national threat at hindi sa mga pribadong sigalot.
Mukhang mula sa banta ng isang garbage crisis noong una ay mauuna pa yatang magkaroon ng isang peace and order problem sa Capas, Tarlac.