Home METRO All-out-war vs illegal drugs, korapsyon, red tape ibabalik ni Belgica

All-out-war vs illegal drugs, korapsyon, red tape ibabalik ni Belgica

TINIYAK ng dating chairman ng Presidential Anti- Corruption Commission na ibabalik nila ang “all-out war” laban sa iligal na droga, talamak na korapsyon, kriminalidad, at red tape sa bansa.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni dating PACC chairman Greco Belgica, first nominee ng Bisaya Gyud partylist, kasabay ng paglulunsad ng kanilang command center sa First Tondo Complex sa Velasquez ,Tondo, sa Maynila.

Aniya sa oras na makabalik siya sa pwesto bilang kinatawan ng nasabing partylist sa kongreso ay ibabalik nila ang kampanya kontra iligal na droga na nagdudulot ng malawakang kriminalidad sa bansa kaya’t maraming negosyo ang nagsasara na nagdudulot ng pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino.

Bunsod nito, hindi aniya nagiging kaaya-aya para sa negosyo o trabaho ang kapaligiran kaya nagiging dahilan din ng malaking inflation at mataas na bilihin.

Bukod dito, talamak na umano muli ang korapsyon at red tape sa bansa kung saan dati na iyong tinanggal ngunit unti unti na naman umanong bumabalik dahil sa kawalan ng aksyon laban dito.

“Kapag mayroon tayong puwesto sa Kongreso bilang congressman ay maririnig tayo ng gobyerno. Magkakaroon tayo ng kapangyarihan na gumawa ng batas, gumawa ng rekomendasyon, mag-expose at magpatanggal sa mga tiwaling opisyal o mga pulis na nasa iligal na mga aktibidad,” ani Belgica.

Sa pamamagitan aniya ng Bisaya Gyud Partylist, magkakaroon ng maraming trabaho, mas magandang buhay sa pagsulong ng business global islands, business global cities sa buong bansa.

Ayon kay Belgica, 10 command center pa ang kanilang itatayo sa tulong na rin ng kanilang mga supporters na maaring lapitan ng publiko at mahingan ng tulong. JR Reyes