Home NATIONWIDE Campaign kickoff kukumpletuhin ng ‘Alyansa’ sa engrandeng rally sa Pasay City

Campaign kickoff kukumpletuhin ng ‘Alyansa’ sa engrandeng rally sa Pasay City

MANILA, Philippines- Susugod na ang administration-backed Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Metro Manila tampok ang napakalaking rally sa Pasay City sa Martes, Pebrero 18, para kumpletuhin ang mga serye ng campaign kickoffs bago ilunsad ang full blast na pangangampanya sa mga darating na araw para sa 2025 midterm elections sa Mayo.

Magsisilbing venue ang 12,000-capacity Cuneta Astrodome para itulak ang kandidatura ng ‘Alyansa’ sa National Capital Region, isa sa mga itinuturing na decisive electoral battleground tuwing eleksyon.

Mayroong 13.48 milyong residente, ang NCR ay may ipinagmamalaking 7.32 milyong rehistradong botante upang maging kritikal na stronghold sa 2025 polls.

Ang NCR ay naging mahalaga noong 2022 polls dahil sa 5.96 milyon ang bumoto sa naturang halalan.

Sa naturang eleksyon, nakakuha si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng 3.26 million votes upang walisin ang 17 lungsod at munisipalidad – tagumpay na nais duplikahin ng ‘Alyansa’ para sa kanilang 12-member senatorial ticket.

Sinusundan ng Pasay rally ang mga tagumpay at malakas ding mga campaign kickoff sa Laoag City, Ilocos Norte; Iloilo City at sa Carmen, Davao del Norte para kumpletuhin ang Luzon, Visayas at Mindanao at ikasa ang malawakang kampanya sa buong bansa sa mga darating na araw.

“Sinimulan natin sa Ilocos Norte, dinala ang ating mensahe sa Visayas at Mindanao, ngayon naman nasa puso na tayo ng NCR,” ayon sa campaign manager ng ‘Alyansa’ na si Navotas City Rep. Toby Tiangco.

“Krusyal sa magiging tagumpay natin sa 2025 ang Metro Manila, ang rally na ito ay magpaparating sa taumbayan ng ating bisyon ng kaunlaran at pagkakaisa sa bawat Pilipino,” dagdag nito.

Magiging malakihang show of force ang Pasay event dahil inaasahang mismong si Pangulong Marcos, kasama ang kanyang mga kaalyado, ang susuporta sa powerhouse 12-member Senate slate.

Binubuo ito nina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, mga dating senador Panfilo “Ping” Lacson at Manny Pacquiao, Senator Ramon Bong Revilla, Jr., dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis “Tol” Tolentino, dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar.

Tututok ngayon ang kampanya ng administrasyon sa puspusang panliligaw ng mga botante at pagpapanatili sa momentum sa kabuuan ng campaign period.

Inaasahang ilalatag ng administration candidates ang kanilang mga plano para sa pagbangon ng ekonomiya, pagpaparami ng infra projects, pagbibigay ng matatag na edukasyon, mga repormang pangkalusugan at mas malakas na polisiya sa national security.

Palalakasin din ng Pasay event ang mensahe ng ‘Alyansa’ na pagkakaisa at pagpapatuloy ng kaunlaran para ipagpatuloy ang mga nasimulan na ni Pangulong Marcos matapos ang 2025.

Inaasahang dadagsain ng libo-libong taga-suporta kabilang ang mga lokal na opisyal at grassroots leaders mula NCR ang Pasay rally, susundan naman ito ng ‘Alyansa’ ng malawakan at mas agresibong pangangampanya sa bawat sulok ng bansa sa mga susunod na araw. Kris Jose