MANILA, Philippines – MAGANDANG balita ang hatid ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa lahat ng senior citizen sa lungsod na kwalipikadong tumanggap ng buwanang pensyon dahil simula sa Enero 2025 ay dodoble na mula P500 hanggang P1,000 ang matatanggap nila sa ilalim ng “social amelioration program” ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mauor Lacuna, nasa mahigit 200,000 senior beneficiaries ang nakatakdang makatanggap ng kabuuang P3,000 bawat isa sa quarterly payout simula sa Marso 2025.
“Tayo po ay gawa at aksyon. Yung iba, pangako at laway lang. Iniisip pa lang nila, tayo po heto na ang resulta kasi tinaasan na natin ang senior citizen’s allowance,” ani Lacuna pagkatapos ng fellowship night kasama ang lahat ng 896 Manila Barangay Senior Presidents sa pagdiriwang ng international elderly week.
“Ginawa rin po nating sistematiko at mas maayos ang proseso sa distribution ng senior’s allowance. Malaki na ang improvement mula noong tayo ay naging Punong Lungsod. Ngayon, madalas na po ang updating at masinop ang requirements para masigurong totoong beneficiary ang makakatanggap ng allowance,” dagdag pa ni Mayora.
Ayon pa sa alkalde, regular umano nilang nililinis ang listahan upang alisin ang mga pumanaw na, lumipat na sa probinsiya o ibang bansa, o may pekeng dokumento upang matiyak umano na hindi nasasayang ang pondo ng bayan.
Ang pagtaas ng allowance para sa senior citizen ay pinondohan sa pamamagitan ng City Ordinance 9075, na sumasaklaw sa badyet ng Maynila para sa fiscal year 2025. JR Reyes