DUBAI/JERUSALEM — Tinanggihan ng Iran ang mga alok para sa de-escalation habang nagpapatuloy ang digmaan nito laban sa Israel at Estados Unidos sa ikatlong linggo, kasabay ng pahayag ng Israel na napatay nito ang Iranian security chief na si Ali Larijani.
Ayon sa isang senior Iranian official, tinanggihan ni Ayatollah Mojtaba Khamenei ang mga panukalang ceasefire o pagbawas ng tensyon na ipinaabot sa pamamagitan ng mga intermediary, at iginiit na hindi pa ito “the right time for peace” hangga’t hindi napapasuko ang Estados Unidos at Israel.
Umabot na sa hindi bababa sa 2,000 ang nasawi sa digmaan, habang naapektuhan ang mga rutang dinadaanan ng humanitarian aid at nananatiling halos sarado ang Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.
Sinabi ng Israel na napatay rin nito si Gholamreza Soleimani, pinuno ng Basij militia, bilang bahagi ng operasyon upang pahinain ang pamunuan ng Iran. Ayon kay Prime Minister Benjamin Netanyahu, maaaring magbukas ito ng pagkakataon para sa mamamayan ng Iran na hamunin ang kanilang pamahalaan.
“It won’t happen in one go, it won’t happen easily. But if we persist, we will provide them with the opportunity to take their destiny into their own hands,” ani Netanyahu.
Hindi pa kinukumpirma ng Tehran ang nasabing mga pagpatay, habang nagpapatuloy ang palitan ng mga pag-atake. Naglunsad ang Iran ng missile at drone strikes sa Israel at mga karatig-bansa sa Gulf, habang nagsagawa naman ang Israel ng panibagong pag-atake sa Tehran at mga target ng Hezbollah sa Beirut.
Lumawak na ang epekto ng digmaan sa rehiyon ng Gulf, kung saan mahigit 2,000 missile at drone attacks ang naitala mula noong huling bahagi ng Pebrero, na tumama sa mga oil facility, daungan, at residential area. Sa UAE, naapektuhan ang operasyon sa Fujairah oil terminal matapos ang sunod-sunod na pag-atake.
Tumaas ng humigit-kumulang 45 porsyento ang presyo ng langis mula nang magsimula ang digmaan, na nagdudulot ng pangamba sa panibagong pagtaas ng inflation habang nalalagay sa panganib ang suplay ng enerhiya.
Sa gitna ng krisis, nanawagan si U.S. President Donald Trump sa mga kaalyado na tumulong sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, ngunit tumanggi ang ilan dahil sa panganib sa kanilang mga tauhan.
“Nobody is ready to put their people in harm’s way in the Strait of Hormuz. We have to find diplomatic ways to keep this open so that we don’t have a food crisis, fertilizers crisis, energy crisis as well,” ayon kay European Union foreign policy chief Kaja Kallas. RNT