
MUKHANG alam na natin ang magiging resulta, ‘yung totoong resulta at hindi mahahaluan ng dayaan, sa halalan sa darating na Mayo 12.
Dahil sa ginawang “pagsuko” ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang sinundan na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y kasong “crimes against humanity” sa war on drugs, nagngingitngit ngayon ang maraming Pilipino.
Ang galit na galit na taumbayan ay nagsabing igaganti nila si FPRRD sa pamamagitan nang pagbasura sa mga kandidato ni Marcos, lalo sa mga tatakbong senador.
Imbes matulungan, lumilitaw na parang ipinahamak ni BBM ang kanyang mga kandidato.
Mahihirapan na si Marcos na matupad ang pangarap niyang 12-0 sa kanyang senatorial slate. Himala na lamang kung mangyayari ito. At “hiwaga” na rin sa darating na eleksyon.
Pero magbabantay ang taumbayan. Babantayan nila ang Commission on Elections o ang proseso ng botohan.
###
Halimbawa na rito ang bagong resulta ng sarbey ng Pulse Asia.
Naigpawan na ni Senator Bong Go sa unahan si Rep. Erwin Tulfo na matagal ding nanguna sa iba’t ibang sarbey.
Ang sarbey ay isinagawa noon pang Pebrero 20 hanggang 26 kung saan higit 2 porsyento ang inilamang ni Go kay Tulfo.
Naging malaki rin ang pag-angat ni Sen. Bato dela Rosa na nasa no. 5 at kagulat-gulat na sinundan siya ni Willie Revillame na nasa no. 6.
Pero pagkatapos ng ginawang “pambebenta” ni Marcos, Jr. kay Duterte sa ICC, baka sa mga susunod na sarbey ay isa-isa nang nalaglag ang kanyang mga manok. Abangan natin ang susunod na kabanata.
##
Maraming naniniwala na ang kaso laban kay Duterte sa ICC ay hindi tatayo sa mga regular na korte.
Ang sinasabing “crimes against humanity” ay sinasabing batay lamang sa mga biased sensationalist na ulat ng ilang media na pinondohan ng US, at mga testimonya ng mga aminadong kriminal na humihingi ng pardon ng gobyerno.
Bahagi lamang din ito ng masama at desperadong pakana ng gobyernong Marcos upang mawala si Duterte na isang malaking pwersang pampulitika.
Dangan kasi, si Duterte at ang anak na si VP Sara ang tanging hadlang sa pananatili ng mga Marcos sa kapangyarihan.