Home OPINION PAGLAGANAP NG DROGA LABANAN

PAGLAGANAP NG DROGA LABANAN

HINDI dapat basta palagpasin na lang ang mga balita at nagaganap ukol sa droga.

Kabilang sa mga naglabasang sungay ng droga ngayon ang ilang pangyayari na walang puwang sa kahit anong barangay.

Kasama sa mga pinakahuling balita ang pagpatay ng gunmen na sangkot sa droga kina Bocaue, Bulacan Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz at swerteng may nahuli sa mga suspek nitong nagdaang araw lamang.

Lango naman sa drogang marijuana ang isang mister nang pagsasaksakin ng 37 beses hanggang mamatay ang misis niyang titser sa loob mismo ng classroom sa Lydia Aguilar National High School sa Las PiƱas City kamakailan at nahuli ito ng mga tanod at mamamayan.

Pinatay at ginahasa naman ang isang 3 taong paslit ng kanyang sariling kuya na 17 anyos at lulong sa droga sa Jose Abad Santos, Davao Occidental at nahuli ng mga residente ito.

May kapitan ng barangay at tatlong empleyado ng munisipyo naman ang natagpuang adik sa isang bayan sa Cagayan Valley sa isang biglaang drug test na isinagawa roon.

May mga sabay-sabay ring nahuli sa Alangalang, Ormoc City, Dolores, Dagami at Tacloban City, lahat sa Leyte noong Enero-Pebrero 2025.

Kung mapapansin ninyo, mga brad, mula Luzon hanggang sa Metro Manila, Visayas at Mindanao nakakalat ang droga.

Hindi magkakasya ang maliit nating espasyo kung pagsasama-samahin natin ang lahat ng ulat ukol sa droga at mga nililikha nitong krimen laban sa mga mamamayan kahit mula Enero hanggang kahapon lamang, kasama na ang araw-araw na paglitaw ng mga nahuhuling mga tulak at adik at bulto-bultong sari-saring droga.

Lalong hindi magkakasya ang ating espasyo ukol sa ulat ng mga taga-barangay na nagsisibalikan ang droga, mga adik, tulak at protektor na rin nila.

Tulad ng nabanggit natin, gaya ng paghuli ng mga residente sa mga pumapatay at nangre-rape dahil sa droga, dapat kumilos ang lahat at mapagtagumpayan natin ang mga nagpapakalat at gumagamit ng droga na nagbubunga ng sari-saring krimen.