Home OPINION TINIMBANG KA NGUNIT KULANG

TINIMBANG KA NGUNIT KULANG

SA naganap na pag-aresto kay ex-Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at mabilisang paglipad sa kanya at idiretso sa kulungan sa The Hague, Netherlands dahil sa bintang na crime against humanity laban sa kanya, biglang naalala ng ULTIMATUM ang pelikulang “Tinimbang Ka Ngunit Kulang.”

Pelikula iyon na dinirehe ni Lino Brocka at pinagbidahan nina Boyet de Leon, Hilda Koronel at iba pa noong 1974.

Hindi na natin ipagdiinan pa ang tema ng pelikula na nagpapakita ng isang binata na nawalan ng gana sa buhay-mayaman at sa piling ng mahihirap niya natagpuan ang kabuluhan ng buhay.

Ngunit ang titulo ng pelikula ang nais nating bigyan ng pansin kaugnay ng nangyari kay Digong.

KALIMUTAN SA HALALAN?

May nagsasabing hindi dapat pag-usapan o dapat na kalimutan ang nangyari kay Digong dahil masyadong mainit ito na pinagmumulan ng pagkahati-hati nating mga Filipino.

Lalong hindi umano dapat pag-usapan ito sa kampanyahan sa pulitika na nauugnay sa Mayo 12, 2025 dahil baka lilikha lang ito ng kalituhan at kaguluhan.

Sa halip umano na mapag-usapan sa kampanyahan ang mga plataporma para sa interes ng buong bayan, lulunurin lang ito umano ng mga kampihan at kontrahan o tunggalian ng nakararami at makasasama sa kapakanan ng sambayanan.

Ngunit sino ang hindi makalilimot sa pangyayari at sino ang makapipigil sa taumbayan na isa ito sa pagbabatayan sa pagboto nila sa halalan?

BIKTIMA NI DIGONG AT BIKTIMA NG DROGA

Sa pag-iikot natin sa iba’t ibang lugar, mga Bro, higit na tahimik na pinag-uusapan ang halaga ng mga kandidato na kampi o kontra kay Digong o kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Pareho sina Digong at Bongbong na pangunahing kasador o campaign manager ng dalawang pangunahing groupong naglalaban-laban, lalo na sa Senado.

Pero apektado na rin ang mga kandidatong kongresman at partylist.

Malaking bagay ang nangyari kay Digong sa tsansa ng mga kandidatong senador at kongresman kung sila’y iboboto o hindi ng mga botante na halos 69 milyon lahat.

Kanino papanig ang mga biktima ng Tokhang ni Digong na ikinamatay ng nasa 6,000 katao at biktima ng mga adik, tulak, druglord, narco-politician at narco-cops na pumatay rin, nang-rape, nangholdap, nagnakaw at gumawang adik sa halos 2 milyong Filipino?

Isa pa, isa rin sa maaaring pag-isipan ng mga botante kung sino-sino ang kanilang iboboto batay sa kanilang karanasan kaugnay ng pagkawala o pananatili ng droga sa mga barangay noong panahon ni Digong at panahon ngayon ni Bongbong.

Mahalaga pa, kung ano ang karanasan ng mga botante ukol sa ligtas na pamumuhay sa loob ng tahanan, komunidad, lansangan, eskwela at iba pa sa harap ng katotohanan ng salot na droga noong at ngayon.

TINIMBANG KA NGUNIT KULANG?

Tiyak na lalabas sa timbangan ng halalan ang resulta ng mga tunggalian sa pagitan nina Digong at Bongbong, partikular sa usaping droga.

Noong panahon ni Digong, lumabas na zero panalo ang mga kandidatong senador laban sa mga kandidato niya sa halalang 2019.

Ngayong halalang 2025, may zero panalo rin kaya o maghahalo ang balat sa tinalupan ang panalo at talo?