Home OPINION PINOY NAGKAWATAK-WATAK?

PINOY NAGKAWATAK-WATAK?

IBA-IBA ang paninindigan, iba-iba ang paniniwala ng mga Pilipino sa kaganapan ngayon sa bansa matapos arestuhin ng Philippine National Police at International Police si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 matapos dumating sa Ninoy Aquino International Airport mula sa HongKong sa bisa ng warrant na ipinalabas ng International Criminal Court.

May nagsasabing hindi dapat kaagad inihatid ang dating Pangulo na 79 anyos na sa The Hague sa Netherlands at sa halip ay binigyan ito nang pagkakataon na humarap muna sa korte dito sa bansa.

Sinabi naman ng ilang opisyal ng administrasyong Marcos na tama ang prosesong kanilang ginawa at hindi sila ang humamon sa ICC na bilisan ang paglalabas ng warrant of arrest kundi mismong ang dating Pangulo.

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang pamilya Duterte subalit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon ang Mataas na Hukuman malamang ay lumalabas kasi na kung magdesisyon man sila ay magiging “moot and academic “ na sapagkat nadala na si Duterte sa ICC.

Gayunman, tuloy-tuloy ang bangayan kahit sa social media ng mga supporter ni Duterte at tagasuporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kanya-kanyang pasaringan, kanya-kanyang asaran kaya naman nagkakapikunan.

Maging ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan na magkabilang panig ang sinusuportahan at pinaniniwalaan ay nagbabangayan at nagpapalitan ng maaanghang na salita dahil lang sa pagpipilit sa kanilang paniniwala.

Mas makabubuti na manahimik na lang ang marami sa ating mga Pilipino at huwag hayaang masira ang ating relasyon sa ating kapwa Pilipino dahil sa pulitika.

Kapag ba nakipagbangayan tayo sa ating kapwa Pilipino na salungat sa ating paniniwala at paninindigan, makakabili ba tayo ng isang kilong bigas sa halagang P20? Kakain ba tayo ng tatlong beses sa isang araw ng puro masasarap kung makikipag-away tayo dahil sa pulitika?

Makatatanggap ba tayo ng ayuda kapag sinang-ayunan natin ang mga patutsada ng mga nasa pamahalaan tulad ng mga mambabatas na ang tanging nasa isip ay magkamal ng salapi at kapangyarihan?

Sana lang ay may pumagitna sa pangyayaring ito at sana ay mapukaw ang isipan ng mga mamamayang Pilipino na ngayon ang panahon na hindi tayo dapat magkawatak-watak at sa halip ay magkaisa tayo upang bagtasin ang tamang landas at tamang paninindigan.

Kaya kung anoman ang ating balak, bumawi tayo sa halalan 2025. Iboto ang batid nating nararapat at hindi ang mga taong gumagawa ng paraan upang tuluyang mawasak ang ating bansang Pilipinas.