Pinabulaanan ni DILG Secretary Jonvic Remulla na isinuko ng gobyerno ng Pilipinas si dating pangulong Rodrigo Duterte sa isang dayuhang kapangyarihan kasunod ng kanyang paglipat sa International Criminal Court (ICC).
“Did we submit them to a foreign leader? We did not. Did we submit him into an unfair condition? It is a tribunal court. They can argue their case there and we welcome it,” ani Remulla.
Kumpirmado ni Remulla na ang gobyerno ang nag-charter ng eroplano patungong The Hague, ngunit iginiit niyang ang ICC ay isang tribunal kung saan parehong panig ay maaaring ipaglaban ang kanilang kaso.
Kinuwestiyon ni Remulla kung bakit mas pinagtutuunan ng pansin ng mga tagasuporta ni Duterte ang kanyang karapatan habang hindi binibigyang-pansin ang 30,000 biktima ng giyera kontra droga na pinatay nang walang due process.
Hinimok niya ang kampo ni Duterte na ipagtanggol din ang karapatan ng mga biktima at sinabing patuloy pang nangangalap ng ebidensya ang Department of Justice para matiyak ang isang matibay na kaso.