Home NATIONWIDE Ama tiklo sa pagbebenta ng malalaswang video ng mga anak online

Ama tiklo sa pagbebenta ng malalaswang video ng mga anak online

MANILA, Philippines – Laglag sa kulungan ang isang ama matapos na mahuli dahil sa pagbebenta online ng mga malalaswang video ng mga menor de edad na anak nito sa Zambales.

Dagdag pa, kinikikilan din umano ng suspek ang mga binibentahan niya ng malalaswang video.

Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant.

“Mayroon siyang extortion activity na tinatawag after that… ‘Oh, mayroon akong forwarded porn material, if you don’t want me to report to your authorities..’ so doble kita ito. Kumikita na siya doon sa porn material niya… using his own children, kumikita pa siya doon sa extortion,” pahayag ni NBI-NCR Regional Director Ferdinand Lavin sa panayam ng GMA News.

Nasagip naman ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang tatlo nitong menor de edad na anak, asawa, at kapatid ng asawa nito na menor de edad din.

Nakuha sa cellphone ng suspek ang malalaswang videos na ipinadadala nito sa kanyang mga parokyano at mga ka-transaksiyon.

“Na-inquest na ito… nagsampa kami ng kaso rito na Anti-Online Abuse and Exploitation of Children, qualified human trafficking… violations ng Anti-Trafficking in Persons Act qualified because of the use of minors… possession ng paraphernalia for dangerous drugs under the Comprehensive Dangerous Drugs Act… kasi may nakuha kaming marijuana,” dagdag ni Lavin.

Walang pahayag ang suspek na ngayon ay nakabilanggo sa detention facility ng NBI sa Bilibid. RNT/JGC